Nanganib ang buhay ng isang lalaki matapos siyang sakmalin, kaladkarin at paikut-ikutin ng buwaya nang mangahas siyang pumasok at tumalon sa hawla nito sa Siay, Zamboanga Sibugay. Bakit kaya niya ito naisipan at paano siya napakawalan?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapanonood ang video ng makapigil-hiningang pagsagip sa lalaking si “Arthur,” hindi niya tunay na pangalan, na maaari nang sakmalin ng kamatayan sa isang maling galaw lang matapos ma-trap sa kulungan ng buwaya.
Naganap ang insidente sa Kabug Mangrove Park and Wetlands, isang ecotourism site kung saan maaaring makilahok ang mga lokal pagdating sa pagpaplano at pangangasiwa ng operasyon, ayon sa tourism officer na si Eduardo Gonzales.
Isinalaysay ng empleyado ng park na si Arlene Baguioro na nasa gitna siya ng trabaho nang may nanghingi ng saklolo dahil may inatake umano ng buwaya.
Pagkarating niya, nanghina na ang kaniyang tuhod nang makita ang lalaki sa loob ng kulungan ng saltwater crocodile na pinangalanan nilang si Alay, na tinatayang nasa 17 talampakan ang haba at nasa 300 kilos ang bigat.
Sa pag-asang mapaamo ang buwaya, sinubukan itong haplos-haplusin ni Arthur. Sa halip na umamo, dito na siya pinaikot-ikot ng buwaya.
Nanlumo rin ang kapatid ni Arthur na si Elberto sa nabalitaan niyang kinain na umano ito ng buwaya.
Tumugon ang Siay Municipal Police Station sa insidente, at naging maingat ang bawat kilos.
Isa sa mga naging option ng isa sa mga pulis ang barilin ang buwaya, ngunit nag-alangan ang officer-in-charge na si Police Major Arnold Tolentino na baka maging mas lalong mabagsik ang buwaya.
Kalaunan, naisip nilang tawagan at papuntahin ang caretaker ni Alay na si Tata Panogan.
Habang hinihintay ang pagdating ni Tata, sinubukan ng anak niyang si Jolliver na pakalmahin ang buwaya.
Ilang saglit pa, wala nang ibang nagawa si Arthur, kundi humiyaw na sa sakit matapos ang magkakalahating oras na sakmal ng buwaya ang kaniyang binti.
Agad na kinuha ni Tata ang kaniyang stick na ginamit sa pag-train kay Alay mula pa noong maliit ito.
Inaliw aliw ni Tata ang buwaya gamit ang patpat, habang sinabihan ang mga tao na agad kunin si Arthur.
Nang makakuha ng tiyempo na makawala, dali-daling tumakbo si Arthur sa gilid, lumabas ng kulungan, at sinagip ng mga rescuer.
Nagtamo si Arthur ng sugat sa kanang tuhod na singlaki ng dalawang kamao. Binigyan siya ng pain medicines at antibiotics dahil “very risky” siya sa infection, ayon kay Dr. Adrian Vincent Genetiano, Medical Officer IV ng Margosatubig Regional Hospital sa Zamboanga del Sur.
Nagtamo siya ng subluxation o partial displacement sa tuhod at tibial plateau fracture o bali sa itaas na bahagi ng binti.
“Hindi ko inisip na plastic. Totoong buwaya talaga,” sabi ni Arthur habang nasa ospital. “Gusto ko lang talaga na ‘yung buwaya ang huli kong susubukan kung mangangagat ba o hindi. ‘Yun lang talaga. Walang ibang rason.”
“Iyon talaga ang pinunta ko roon, ‘yung buwaya,” pag-amin ni Arthur, na mahilig daw talaga sa mga hayop.
Nang makita si Alay, nagka-interes siyang hawakan ito, at nagdesisyong tumalon sa kulungan.
“Wala akong maramdamang takot. Akala ko kasi maamo siya,” sabi ni Arthur. “Una niyang kagat sa akin, nabali na agad ang binti ko. Nakita ko talaga lumabas na ang mga buto rito.”
Nang subukan niya itong paamuhin, “Winasiwas niya ako. Mga dalawang beses niya akong pinakot-ikot.”
“Naisip ko na talaga iyon na mamamatay na ako. Hanggang doon na lang ako,” sabi ni Arthur.
Nang makita niya ang ngipin ni Alay na medyo natanggal na, kinuha niya ito at itinapon sa gilid. Muling nagalit ang buwaya kay Arthur.
Ngunit ayon kay Dr. Genetiano, sinabi ng pasyente na nasa impluwensiya ito ng alcohol noon.
“Uminom ako ng beer. Kaunti lang, good,” pag-amin ni Arthur.
“During my interview, there was no deviation at the psych level. But in that incident, the patient needs further psych evaluation assessment talaga,” anang doktor.
Inamin ng kapatid ni Arthur na hindi normal na gawain ang ginawa ng kapatid at naisip nilang ipatingin ito sa psychiatrist.
Tunghayan sa KMJS kung may legal bang pananagutan ang parke sa sinapit ni Arthur, at kung may plano ba siya at ang kaniyang pamilya na ireklamo ito. —Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News
