Sa darating na halalan sa Lunes, Mayo 12, 2025, ang senador ang pinakamataas na posisyon na pinaglalabanan. Ano nga ba ang kalipikasyon para maging kandidato sa naturang posisyon at magkano ang kanilang magiging sahod kapag nanalo? Alamin.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita, sa ilalim ng batas, ang mga kalipikasyon para makatakbo sa posisyon bilang senador ay kailangang natural born Filipino citzine o isinilang sa Pilipinas ang aspirante.
Dapat hindi bababa sa 35-anyos, at kailangang rehistradong botante. Dapat nakatira siya sa Pilipinas ng hindi bababa sa dalawang taon bago ang araw ng halalan.
Bagaman kailangang marunong magbasa at magsulat, hindi namang itinatakda sa batas kung dapat ay nakapagtapos ng kolehiyo ang kandidato.
Ang mga senador, may sahod na P293,191 hanggang P334, 059, na katumbas ng Salary Grade 31.
Kung ikukumpara sa kalipikasyon ng mga karaniwang kawani ng gobyerno gaya ng isang Clerk 1 sa Department of Education, dapat nakaabot nang kahit dalawang taon sa kolehiyo ang aplikante sa naturang posisyon, at hindi bababa sa 18 anyos ang edad.
Bukod sa dapat nakatungtong sa kolehiyo, dapat nakapasa rin ang aplikante sa Civil Service exam o pasok sa sub-profession level.
At ang mga Clerk 1, may salary Grabe 3 na ang sahod ay P15,852.
Ayon sa ulat, maingat ang mga employer sa paghanap ng aplikante para sa kailangan nilang posisyon kahit mababa lang. Kaya dapat ding maging maingat ang mga botante sa pagpili ng kandidato at itaas ang pamantayan sa pagpili ng kanilang mga iboboto.
Sa darating na halalan, 12 senador ang kailangang iboto. -- FRJ, GMA Integrated News
