Laking gulat ng isang pamilya sa Capas, Tarlac nang sa kalagitnaan ng gabi at malakas na buhos ng ulan ay may madinig silang panaghoy ng matanda sa labas ng kanilang bahay. At nang hanapin nila ito, tumambad sa kanila ang isang lola na kanilang kapitbahay na nasa damuhan, basang-basa sa ulan, at nanginginig sa lamig.

Sa ulat ng "For You Page" ng GMA Public Affairs, ikinuwento ng uploader ng video na si Arvin Sapinit na dakong hatinggabi na nang mangyari ang insidente at kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan.

Namumutla rin umano ang lola at nanghihina nang kanilang makita kaya kaagad nila itong tinulungan at dinala sa kanilang bahay. Tumawag din sila sa barangay para ipaalam ang nangyari at makahingi ng karampatang tulong para kay lola.

Ayon pa kay Arvin, bago ang insidente, nakita niya ang kapitbahay nilang si lola nagtatabas ng damo sa labas ng bahay, at hindi pa umuulan nang sandaling iyon.

May tao naman daw sa bahay nila lola pero hindi nila maunawaan kung bakit hindi nadinig ng kaniyang mga kaanak ang kaniyang panaghoy.

Pinuntahan naman ng mga taga-barangay ang bahay ni lola at kinalaunan ay iniuwi na rin siya kanilang bahay.

Ayon sa taga-barangay na sumuri sa nangyaring insidente, tulog na umano ang mga kamag-anak ni lola nang sandaling iyon kaya hindi namalayan na nakalabas ang matanda.

Posible rin daw na inatake ng dementia o pagiging ulyanin si lola nang nasa labas siya ng bahay dahil sa edad nito na 99-anyos.

Itinanggi naman ng apo na siyang tagapagbantay kay lola ang mga paratang sa kaniya at sa kaniyang pamilya na pinapabayaan at inaapi nila ang matanda.

Sadya lang umano na nagiging may katigasan na ang ulo ni Lola at nagagawang tumakas mula sa kanilang bahay.

Hinanap din umano niya ang kaniyang lola nang mangyari ang insidente pero nabigo siyang makita ito.

Pero aminado siya na nagkaroon siya ng pagkukulang sa nangyaring insidente. Ang ikinasasama lang ng kaniyang loob, ang ginawang pag-post ng kanilang kapitbahay sa video nang makita ito sa damuhan na basang-basa.

Dahil sa naturang video, sinabi ng apo na nakatanggap sila ng hindi magagandang komento.

Ayon sa kawani ng barangay na tumingin kay lola, wala naman silang nakitang senyales ng pagmamalupit sa matanda. Posibleng isolated case umano ang nangyari.

Ipinaliwanag naman ni Arvin na wala siyang masamang intesiyon sa ginawang pag-post sa video. Ang tanging hiling niya, alagaan na lang si lola, at ganoon din ang iba pang pamilya na may kasamang nakatatanda sa bahay.

"Ingatan natin. Saka hindi na po nila masasabi kung ano ang gusto nila. Iyan po nasa bahay na lang iniingatan, inaalagaan, pinapakain," ani Arvin na hiling na lumakas at magkaroon pa ng mahabang buhay si lola. -- FRJ, GMA Integrated News