Hindi inakala ng isang babae sa Batangas City na magagamit niya bilang matagumpay na negosyo ang kaniyang childhood fantasy na maging isang sirena.Sa isang episode ng “Pera Paraan,” ikinuwento ng freediving instructor na si Danica Ramos, owner ng Divescape Hub, kung papaano niya nasimulan ang kaniyang mermaiding tutorial o pagtuturo kung paano lumangoy na mala-sirena.“Bata pa lang ako, gustong-gusto ko na po talagang mag-sirena. Tapos ngayon naman po 'yung mga student ko, kapag tinatanong ko sila bakit gusto niyong mag-mermaiding, gusto daw po nilang magsuot ng mermaid tail. Parang ‘yun po talaga 'yung first goal nila,” sabi ni Ramos.“At ang kagandahan po nito, nakakapagsuot na po sila ng mermaid tail at the same time, natututunan pa po nila kung paano mag-swim like a real mermaid,” anang instructor.Merskin o Mermaid Skin ang tawag sa ginagamit nilang buntot, na gawa sa high quality na tela na imported pa sa China.Hindi naman kailangang marunong lumangoy para makapag-mermaiding, dahil maging si Danica ay hindi rin marunong lumangoy nang mag-umpisa.Ngunit noong magbakasyon sa Bohol, doon siya nag-aral ng Level 1 hanggang Professional Level Freediving Certification Course, hanggang sa nakakuha siya ng Mermaid Certification noong 2022.Siya ngayon ang founder ng organisasyong Mermaids of the Philippines, na may layong mas makilala ang bansa sa larangan ng mermaiding.Si Ramos din ang pambato ng Pilipinas sa prestihiyosong Mermaids Federation International (MFI).Sa pag-aaral ng mermaiding, kailangang matutunan muna ang freediving na ginagamitan ng bi fin, o dalawang magkahiwalay na fin na sinusuot sa magkabilang paa at ginagamit para makapag-flutter kick sa tubig.Ngunit sa mermaiding naman, mermaid tail ang gamit, na mas mahirap dahil naka-lock ang parehong binti sa loob ng telang buntot habang lumalangoy.Kaya kung nagsisimulang mag-aral ng mermaiding, tiyaking laging may gabay na instructor, at gamayin muna ang paglangoy sa swimming pool bago sumabak sa dagat.“Ang mermaiding is also a form of freediving. Ang mermaiding lang po is parang performance side ng freediving,” paliwanag ni Ramos.Sila ng kaniyang business partner na si Julian ang nagtuturo sa kanilang mga estudyante.May kasamang photoshoot session ang package ni Ramos na nagkakahalaga ng P5,500 hanggang P6,500.Pumapalo ang kita ng Divescape ng P100,000 hanggang P150,000 kada buwan kapag off-season, at P250,000 hanggang P300,000 kapag summer.Ang dating maliit na space nina Ramos para sa diving school, triple na ang laki ngayon. Nakapagpundar na rin siya ng sasakyan at nakapagpatayo ng iba pang negosyo.Napuntahan na rin nila ang iba’t ibang panig ng daigdig.Plano rin ng Divescape Hub na maging international dahil may bubuksan din silang diving school sa Dubai.-- FRJ, GMA Integrated News