Dahil sa ipinost niyang mga throwback photos, isang babae na mula sa Zamboanga Del Sur, ang inulan ng mga masasamang komento dahil sa malayong-malayo na ang hitsura niya ngayon sa litrato. Siya ba talaga ang nasa lumang larawan? Alamin ang kaniyang kuwento.Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," maraming netizens ang nagduda kay Alfe Balili, kung siya ba talaga ang babae sa kaniyang throwback photos, o gumamit lang ba siya ng filter.Bukod kasi sa maganda ang babae sa throwback photos, kapansin-pansin din ang matangos na ilong ng babae at magandang labi, na malayo sa hitsura ngayon ni Alfe.Pero giit ni Alfe, siya talaga ang babae sa throwback photos, at ipinakita pa niya ang mga damit na suot niya sa mga lumang larawan.Ngunit bakit nga ba nag-iba na ang kaniyang hitsura?Napag-alaman na dating supervisor ng isang tindahan sa Cebu si Alfe. Sa naturang trabaho rin niya nakilala ang dati niyang nobyo na itinago sa pangalang "Ivan."Noong 2019, habang papauwi sakay ng motorsiklo, naaksidente sila bumangga sa isa pang motorsiklo. Si Alfe, nagtamo ng matinding pinsala sa mukha.Ang ilang parte ng kaniyang bungo, nabasag na naging dahilan kung bakit naging iba ang hitsura niya sa larawan niya noon.Nakadagdag din ng sama ng loob ni Alfe ang mga komento na "karma" ang nangyari sa kaniya dahil natuklasan niya habang nakaratay siya sa ospital na mayroon palang kinakasama ang kaniyang nobyo.Ngunit giit ni Alfe, hindi karma ang nangyari sa kaniya dahil biktima siya ng panloloko ng dating nobyo.Bagaman nawala sa buhay niya si Ivan, bumalik naman ang dati niyang nobyo na itinago sa pangalang Emilio na nagbantay sa kaniya sa pagamutan hanggang sa maoperahan ang kaniyang mukha.Gayunman, matapos ang operasyon, hindi na naibalik ang dati niyang hitsura.Inalok naman daw siya ng mga duktor ng reconstructive surgery para maibalik sa dati ang kaniyang hitsura pero hindi kaya ang mahal na gagastusin sa operasyon.Dahil sa nangyari at pagbabago ng kaniyang hitsura, bumaba ang kompiyansa ni Alfe sa sarili at nag-resign na sa kaniyang trabaho.Nagsama naman sila ni Emilio at nagkaroon ng tatlong anak.Nang umuwi si Alfe sa kaniyang pamilya, maging ang kaniyang mga kapatid at ina ay hindi kaagad siya nakilala dahil sa ibang-iba na ang kaniyang hitsura.At kung kailan unti-unti na niyang binubuo ang kaniyang sarili at pamilya, bigla namang nawala at iniwan sila ni Emilio.Kaya ngayon, mag-isa niyang itinataguyod ang kaniyang mga anak. Dito na rin niyang naisipang mag-post ng mga lumang larawan na pinagmulan ng mga panlalait sa kaniya.Aminado si Alfe na hanggang ngayon ipinagdadasal pa rin niya na balang araw ay maibabalik ang dati niyang hitsura.Kaya naman sinamahan siya ng KMJS team na pumunta sa isang dalubhasa upang ipasuri ang kaniyang mukha. Maaari pa nga kayang maibabalik sa dati ang kaniyang hitsura? Alamin ang kasagutan sa video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News