Ilan sa mga Pilipino ang nakararanas ng allergy na kabilang sa mga epekto ay pamamantal sa katawan, paninikip ng dibdib, at pagsusuka. Anu-ano nga ba ang mga sanhi ng allergy at paano ito maiiwasan? Alamin.
Sa episode ng Unang Hirit nitong Martes, ipinaliwanag ni Dr. Pauline Florence Santos-Estrella, isang allergy and immunology doctor, na maaaring mamana o maipasa ang allergy sa pamamagitan ng genes.
Ilan sa mga “common trigger” ng allergy ang mga pagkain na may protina, ilang gamot, dust o alikabok, mga pollen, at molds, na nagdadala ng allergens.
“Pero puwede rin kasing 'yung mga maliliit na particles ng pollen, puwede mag-break down into smaller particles… mas madali po siyang ma-inhale ng tao na nagko-cause ng allergy or puwede allergy rhinitis, puwede po sa balat, na nagkakaroon ng rashes,” anang doktora.
Dagdag pa niya, maaaring mag-develop ng allergy ang isang tao sa pagdaan ng mga panahon. Ngunit ang iba, na-a-“outgrow” ang kanilang allergy, o nawawala paglipas ng panahon.
“Puwede po kasing ang reaction ng katawan natin ay very mild, puwedeng pantal lang, puwedeng mamaga, puwedeng magkaroon ng very severe reaction, like puwedeng may kasamang paghirap sa paghinga, puwedeng magsuka, mawalan ng malay, puwedeng bumaba ang blood pressure,” sabi ni Dr. Santos-Estrella.
Maaari ding magdulot ng allergy ang panahon, lalo kung summer na mas marami ang alikabok sa mga construction.
Binanggit din ni Dr. Santos-Estrella na nagdudulot din ng allergy ang fecal droppings o dumi ng dust mites na hindi nakikita ng mata.
Pagdating naman sa pagkain, kung napatunayang ang sanhi ng allergy ng isang tao ay dulot ng isda, kailangan na niya itong iwasan. Panoorin sa video ang buong talakayan.—FRJ, GMA Integrated News
