Kahit 34-anyos na, nasa isa’t kalahating talampakan lamang ang taas ng isang lalaki sa Aroroy, Masbate kaya kasya siya sa sako. Ano nga ba ang kondisyon ng kaniyang kalusagan at hindi siya lumaki? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala si Dinnes “Titing” Manlapaz, 34-anyos, na marurupok ang mga buto at maiiksi at maninipis ang mga braso at binti.
Pero sa kabila ng kaniyang kapansanan, hindi nawawala ang pagiging masayahin ni Titing. Para malibang, isinasama siya ng kaniyang mga kaibigan sa pamamasyal at inilalagay siya sa sako at binubuhat.
Tumutulong din siya sa mga gawaing bahay gaya ng nagwawalis pagkagising para maalis ang mga dumi.
“Magaspang sa balat, madaming dumi. Nasusugatan ako. Tinutulungan ko si mama kasi naaawa ako,” sabi ni Titing, na kasa-kasama ang kaniyang mga magulang.
Para hindi madumihan si Titing sa paglabas ng bahay, gumagamit siya ng dalawang pirasong sako na kaniyang ipinangsasapin sa daan.
May mga bagay pa rin na hindi kaya ni Titing na gawin na mag-isa gaya ng pag-iigib ng tubig, kaya nakaalalay ang kaniyang ate Marilyn Ganencia, kahit may sarili na itong pamilya.
Maingat na binubuhat ni Marilyn si Titing dahil napakarupok ng mga buto niya.
“Pag kaunting galaw ko po, nababali na ito (kaliwang binti), tapos hindi ko na magagalaw,” sabi ni Titing.
“‘Pag napipilay siya, hindi ko siya tinitingnan kasi naaawa ako sa kaniya. Nararamdaman ko ‘yung sakit, lalo ‘pag namamaga,” sabi ni Marilyn.
“Iisa lang akong babae, kaya sa akin talaga mapupunta ‘yung sakripisyo para sa kaniya. Parang hindi na ako napapagod eh. Sanay na ako,” sabi pa ni Marilyn.
Ang kapatid din ni Titing na si Antonio, hindi rin maiwasang mangamba.
“Naaawa kasi sa kapatid ko kasi halimbawa kung wala na sila mama, sino ang maghahanap-buhay? Magbabantay sa kaniya?” ani Antonio.
Normal naman nang isilang si Titing, ngunit naaksidente siya noong siya'y magdadalawang-taong-gulang pa lang. Mula noon, hindi na siya nakalalakad.
Dahil dito, si Marilyn ang nagbubuhat kay Titing sa balikat ng dalawang kilometro para makapasok sa eskuwela, at kailangan niyang huminto-hinto para magpahinga.
Dahil naaawa na sa kaniyang ate na palaging bumubuhat sa kaniya kapag papasok sa eskuwela, nagdesisyon si Titing na tumigil na lang sa pag-aaral.
Samantala, ang kanilang tatay Elmerio naman ang nagtatrabaho sa construction para may pangtustos sa kanilang pang-araw-araw.
Sinubukan ni Titing noon na maghanap ng trabaho kasama ng kapatid sa minahan, at taga-repair ng cellphone, ngunit tila minamaliit siya ng ibang tao.
“Kung gusto mo mag-apply, sabi niya, ‘P800 ang sahod kada buwan.’ Sabi ko, ‘Puwede bang dagdagan kahit kaunti?’ Sabi niya, ‘Ganiyan ka na nga, magpapadagdag ka pa!’” kuwento ni Titing.
Hanggang si Titing, nagkaroon ng pag-asa nang alukin ng kaibigang si Ronel Dela Cruz na mag-vlog at ma-monetize o kumita sa kanilang mga video.
“Gusto ko maging inspiration po ako sa mga may kapansanan sa buhay na kagaya ko po na lumalaban sa buhay,” sabi ni Titing.
“Minsan nga kahit may problema ko, tinatawa ko na lang. Parang nalilimutan ko 'yung mga problema ko, ‘pag palagi akong tumatawa,” sabi ni Titing.
Kapag kumita, nais ni Titing na mapaayos ang kaniyang butas-butas nang bubong, dahil pumapasok ang tubig sa kanilang bahay kapag umuulan.
“Kung ano ang ibinigay sa akin ng Diyos tinanggap ko na eh. Siyempre, doble ingat na lang po ako,” sabi niya.
Tunghayan sa video ng KMJS kung ano ang kondisyon sa kalusugan ni Titing na dahilan kaya naging marupok ang kaniyang mga buto at hindi na siya lumaki. Panoorin. – FRJ, GMA Integrated News
