Makaraan ang sunod-sunod na mga bagyo at epekto ng Habagat, marami na namang lugar sa Pilipinas ang binaha, kasama ang Metro Manila. May lunas pa nga ba sa problema ng pagbaha na mukhang palala nang palala, at bakit tila hindi nararamdaman ang bisa ang mga anti-flood control projects na nilalagyan ng bilyon-bilyong pisong pondo taun-taon? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakita ang Vitas Pumping Station sa Tondo sa Maynila, na bagsakan ng tubig na naipon sa buong siyudad ng kamaynilaan, kasama na ang baha at mga inanod na basura.
Taong 1994 nang itayo ito at gumagana, ngunit tila hindi na ito sumasapat dulot ng matinding pagbaha na nararanasan sa paglipas ng mga taon at dekada.
Ayon sa isang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., “new normal” na ang mga nararanasang matinding pagbaha sa bansa.
“This is not an extraordinary situation anymore. Do not think of it as a special situation, this is, I hate to use the overused phrase, but this is the ‘new normal,’” ani Marcos.
Ayon naman sa Assistant Professor sa UP School of Economics na si JC Punongbayan, tila hindi maramdaman ang mga flood control project samantalang lumalala naman ang mga pagbaha.
“Palaki nang palaki actually ‘yung budget ng gobyerno para sa flood control projects, pero parang hindi ramdam kasi ang epekto ng mga flood control project na ito. Palaki nang palaki ang budget para sa flood control, pero parang patindi nang patindi itong pagbaha,” sabi niya.
Noong 2012, P352 bilyon ang inilaan para sa Metro Manila Flood Management Master Plan na inaasahang matapos sa 2035.
Inumpisahan na ang proyekto mula 2017 sa tulong ng World Bank. Ngunit nitong nakaraang taon, inamin ng Department of Public Works and Highways, na 22 lamang sa 58, o mababa pa sa 30 porsyento ang natapos sa buong master plan kahit na mahigit isang dekada na ang nakalipas matapos simulan ang proyekto.
“Dito sa NCR, noong last year, 2024, meron kami 389 completed flood control projects na po.[Taong] 2025, meron din po kaming 62 projects completed na at ang iba diyan po ay ongoing pa po,” sabi ni Engineer Josel Bolivar, Division Chief ng DPWH - NCR.
“We have CCTVs all over Metro Manila na naka-monitor doon sa aming na-tap na na flood prone areas to check or to verify kung ano ‘yung sitwasyon talaga,” ayon naman kay MMDA Flood Control and Sewerage Management Director Mark Navarro.
Kada taon, tinatayang P200 bilyon hanggang P255 bilyon ang inilalaan para sa flood control programs. Gayunman, nananatili ang katanungan kung bakit nalulubog pa rin ang mga Pilipino sab aha kahit na bilyones ang budget para sana sa mga solusyon.
“Sinabi ni Pangulong Marcos sa kaniyang State of the Nation address noong 2024, last year, na mahigit 5,000 flood control projects daw 'yung nakompleto na ng gobyerno. Pero nilinaw ito actually ng Public Works Secretary natin na marami sa mga proyekto na ito ay ongoing at hindi pa rin kompleto. Kailangan natin na magkaroon ng mas matinding scrutiny o pagtingin sa saan talaga nagagamit ang pera para sa flood control projects,” sabi ni Punongbayan.
Inilahad naman noon nakaraang taon ni DPWH-NCR Regional Director Loreta Malaluan na sadyang hindi na mapipigilan ang mga pagbaha, kundi ang solusyon na lamang ay ang agad na pagpapababa nito.
“Sa tingin ko ay hindi natin masasabing wala talaga, zero ang pagbaha dito sa Metro Manila. Kaya nga ang tinitignan ay gaano kabilis ang pagbaba ng baha, gaano kabilis sila dadaloy palabas ng ating mga kailugan,” ani Malaluan.
Ayon naman kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, pinapa-update na ni Pangulong Marcos ang mga master plan ng mga river basins para maiangkop ang banta ng climate change.
Sa State of the Nation Address (SONA) ni Marcos nitong Lunes, iniutos niya sa DPWH na alamin ang mga pinondohan na flood control projects at isapubliko kung ano na ang mga nangyari sa mga ito. Nais din niyang mabisto kung mayroon mga naging ghost projects.
"Kamakailan lang, nag-inspeksyon ako sa naging epekto ng Habagat at bagyong Crising, Dante at Emong. Kitang-kita ko, maraming proyekto sa flood control mga palpak at 'yung iba, guni-guni lang," ani Marcos.
"'Wag na po tayong magkunwari, alam naman ng madla na nakakaraket sa mga proyekto. May kickback, initiative, SOP, for the boys. Kaya sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino," dagdag pa ng pangulo.
''Sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino,'' patuloy ng pangulo. ''Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa pagbaha. Mahiya naman kayo lalo na sa mga anak natin na magmamana ng utang nung ibinulsa niyo ang pera.” – FRJ GMA Integrated News
