Isang quarrying site sa Angono, Rizal na isang dekada nang nag-o-operate ang matinding ipinoprotesta ng mga tao sa lugar. Bukod sa kinakalbo nito ang kabundukan, perwisyo umano ang idinudulot nitong alikabok kapag tag-init, at putik at baha naman kapag umuulan.

Sa nakaraang ulat ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” personal na pinuntahan ni Jessica ang quarry site at inalam ang saloobin ng ilang residente sa lugar tungkol sa quarrying. 

Ang mga bato na dinudurog para maging graba ang minimina sa lugar na nagsimula noong 2015. Bago magkaroon ng quarrying, may mga kabahayan umano sa Sitio Labahan na nasa itaas ng bundok na nakalbo na ngayon.

Maliban sa Angono, ilang bayan pa sa Rizal ang mayroong quarrying operations, at 30 sa mga ito ang nakarehistro. Karamihan umano sa mga ito ang nag-o-operate sa bahagi ng Sierra Madre Mountain Range, na kinikilalang nagpoprotekta sa Luzon mula sa hagupit ng mga bagyo.

May isang high school din sa lugar ang isinara dahil umano sa epekto ng quarrying gaya ng alikabok at ingay mula sa mga ginagamit na makina sa pagmimina.

Samantalang ang annex building ng Dr. Vivencio Villamayor Integrated School na isinara noong pandemic, hindi na nagamit muli dahil nagkaroon ng malaking tapyas sa bahagi ng bundok na gawa ng pagmimina, na mapanganib umano sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

Ang ibang residente, nagkakasakit umano dahil sa alikabok na mula sa pagmimina.

Napipinsala rin ang ilang bahay dahil sa lakas ng mga pagsabog na ginagamit din sa pagmimina.

Sa naranasang pagbaha sa ilang lugar sa lugar, isinisisi rin ito sa quarrying dahil umapaw ang Angono river bunga ng pagbara umano ng debris na nanggagaling sa minahan.

“Hindi maiiwasan na ‘yung mga siltation pond nila, katulad ‘pag ganitong tag-ulan, umaapaw ‘yun at ito ay may mga silt,” ayon sa isang taga-Angono-LGU

“Dine-dredge namin every year to maintain ‘yung containment capacity para hindi mag-overflow. May silt kami na nakukuha. Kasi hindi mo maiwasan ‘yung water, ‘yung surface runoff. Kahit du’n sa planta nila, may mga surface runoff ‘yan kasi wala namang puno. ‘Di ba, mga open pit ‘yan. So walang ibang mapupuntahan ‘yan kundi sa mga tributaries,” dagdag nito.

Subalit sa kabila ng mga pagtutol ng ilang residente at maging ng ilang opisyal ng LGUs, bakit nga ba patuloy na nag-o-operate ang minahan? May kaukulang permit nga ba sa naturang minahan, at ito nga ba ang dahilan ng pagbaha sa lugar? Alamin ang paliwanag ng Mines and Geosciences Bureau (MGB). Panoorin ang buong ulat sa video. – FRJ GMA Integrated News