Mula sa dating tinitirhan na barung-barong na walang kuryente at walang tubig, hindi sumuko ang mag-asawang basurero at delivery rider na magsumikap sa kanilang hanapbuhay para makamit ang pinapangarap nilang sariling bahay. Tunghayan ang kanilang kuwento.
Sa nakaraang episode ng programang “Good News,” sinabing high school lang ang tinapos ni Dexter Frias kaya nauwi siya sa trabaho na paghahakot ng basura.
Ayon kay Dexter, hindi madali ang kaniyang trabaho na kung minsan ay nasusugatan siya sa matutulis na bagay sa basura. Hindi rin biro ang mabahong amoy, at alinsangan sa pagkuha ng mga basura.
Gayunpaman, nagpatuloy lang si Dexter sa kaniyang trabaho upang matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya bagaman madalas na kinakapos pa rin sila.
Katuwang sa buhay ni Dexter ang kaniyang kabiyak na si Donalyn, na sa halip na awayin ang asawa sa maliit na kita nito, naisipan niyang dumiskarte na rin upang kumita.
Kabilang sa mga diskarteng ginawa ni Donalyn ang pagtitinda ng kakanin, hanggang sa maisipan niyang pasukin ang pagiging delivery rider.
Sa pagtutulungan ng mag-asawa, nakaalis sila sa dati nilang tinitirhan na barung-barong, at nakalipat sila sa paupahang bahay kasama ang dalawa nilang anak na nag-aaral.
Ngayon, may kuryente na sa kanilang bahay, may tubig, at nalagyan pa nila ng aircon.
Kasabay ng pangarap nina Dexter at Donalyn na magkaroon ng sariling bahay, nais din nilang makatapos ang pag-aaral ang kanilang mga anak upang hindi matulad sa kanila na hindi nakapagtapos.
Ang panganay na anak na si Andrea, sinabing hindi niya ikinakahiya na basurero ang trabaho ng kaniyang ama.
“Proud po ako sa tatay ko. Lahat po ng kaibigan ko alam po yon, ipinagmamalaki ko na kahit ganun po masuwerte pa rin po ako kasi meron,” saad niya.
Ngunit kahit mayroon na silang disenteng bahay na inuupahan, hindi pa rin pinakawalan nina Dexter at Donalyn ang pangarap nilang sariling bahay. Hanggang sa nakamit na nila ito.
Tunghayan sa video ng “Good News” kung papaanong nakagawa nina Dexter at Donalyn na maabot ang kanilang pangarap na sariling bahay? Panoorin ang buong kuwento. – FRJ GMA Integrated News
