Patok at hinahanap-hanap tuwing kapaskuhan ang isang special bibingka sa Valenzuela dahil ang lasa nito. Ang recipe nito, mula pa noong dekada 60s na sagana sa sangkap.
Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang “Wennie’s Bibingka” ni Wennie Indiongco, na ang recipe ay namana niya mula pa sa kaniyang biyenan.
“Sabi niya, ‘O, ikaw na magtinda. Sinulatan niya ako ganiyan lang, kapirasong papel lang. Hindi niya ako tinimpla, hindi. Palibhasa nga, mahilig ako magluto. Kaya madali lang sakin ang matutunan ‘yun,” sabi ni Wennie.
Kaya hanggang ngayon, wala pa ring pinagkaiba ang lasa at sarap ng kanilang bibingka na binabalik-balikan.
“‘Pag niloloko ako ng asawa ko, sasabihin niya sa akin ‘Pasalamat ka, napamanahan ka ng nanay ko.’ Sasagutin ko naman, ‘Pasalamat ka, masipag ang napangasawa mo. Kasi kung tamad ako, wala,’” sabi ni Wennie.
Ang suki nilang si Agnes, sinabing hindi talaga nagbago ang lasa ng bibingka ni Nanay Wennie.
“'Yung lasa noong original ni Rosie, Rosie ang pangalan ng biyanan niya eh. Ganito rin, pareho lang. ‘Pag espesyal, talagang espesyal. May keso, sagana sa itlog, at saka creamy,” sabi ni Agnes.
Hindi raw binago ni Nanay Wennie ang step-by-step na proseso ng paggawa ng kanilang special bibingka. Hiwalay niyang hinahalo ang itlog at toppings bago lalagyan ng galapong.
Electric oven na ang kanilang ginagamit para makaluto ng mas maraming order. Ayon sa kaniya, pareho lamang ang lasa kung iluto ang bibingka sa uling o sa oven.
Kayang magluto ng tatlong bibingka ang oven nang sabay-sabay. Luto na ito matapos ang 15 minuto, kumpara sa de-huling na umaabot ng hanggang kalahating oras.
Ang ilan namang mga manggagawa naman ni Nanay Wennie, tumagal na rin sa kaniya. Ang isa niyang staff, 30 taon nang nagtatrabaho sa kaniya.
Mabibili ang espesyal na bibingka ni Nanay Wennie sa halagang P110 kada order. May kasama pa itong libreng tsaa. Bagaman maliit lang umano ang kita nila sa bawat order, nakakabawi naman sila sa dami ng kanilang naibebenta.
Kaya umanong kumita ang bibingkahan ni Nanay Wennie ng hanggang P10,000 sa isang araw.
“Kung maaari nga, ayokong tumigil. Siyempre, unang-una, gusto ko 'yung ginagawa ko, mahal ko 'yung ginagawa ko at kumikita ako. Nakakatulong ako,” sabi ni Nanay Wennie. – FRJ GMA Integrated News
