Tinaguriang “Year of the Fire Horse" ang 2026. Alamin kung paano mama-manifest o papapasukin ang pera sa taong ito, at suwerte rin kaya ang maglagay ng perang papel sa likod ng cellphone? Alamin ang payo ng ng isang Feng Shui consultant.
Sa programang “Unang Hirit” nitong Miyerkoles, inilahad ng Feng Shui consultant na si Michael De Mesa, na masuwerte sa pera ang mga animal sign na Ox, Rabbit, at Goat ngayong taon.
Ang Ox ay merong prosperity star at emperor star, na nagdadala ng bagong oportunidad sa pera.
Ang Rabbit naman ay may happiness star at prosperity star na maganda para sa career.
Ang mga ipinanganak naman sa Year of the Goat ay mayroong success star at abundance star na mainam para sa mga investment.
Para naman sa mga animal sign na wala sa top 3 na mga masusuwerte, posible pa ring makaakit ng suwerte sa pera.
“Siguro ang pinakauna natin, we need to do good deeds para magkaroon tayo ng good merits sa buhay. Good merits, ‘pag naka-accumulate tayo noon, so hindi lang suwerte sa pera, suwerte sa buhay,” sabi ni De Mesa.
Puwede ring maglagay ng P168 sa mga wallet na nangangahulugang “fortune all the way,” at kung wala naman P168, puwede ring maglagay ng tatlong Chinese Emperor coins.
“Ang ibig kasi sabihin ng tatlo, the heaven, the earth, and the mankind. Trinity of luck ‘yun eh,” anang Feng Shui expert.
Siguruhing nakatali ang 3 Emperor Coins sa pulang ribbon o ilagay sa pulang envelope.
Kung gagamit naman ng piggy bank, unang ipasok ang halagang P168.
Nagbabala naman si De Mesa tungkol sa paglalagay ng perang papel sa likod ng cellphone.
“For 2026, hindi na natin ina-advise ‘yun. Kasi, in terms of Feng Shui element, ang phone natin is fire element. Ang perang papel is wood element. So, susunugin lang niya. So, I think sa mga Kapuso natin, tanggalin na nila ngayon kasi may double fire energy sa 2026,” aniya.
Para naman sa mga kakasa sa mga ipon challenge, umiwas sa mga kulay pula na lalagyan dahil “susunugin” lamang nito ang suwerte. Sa halip, gumamit ng mga metallic at blue colors.
“I think for 2026, dahil we have a double fire energy, maging maingat na lang tayo sa lahat ng ating pinaggagastusan kung hindi kailangan. So, huwag na lang natin bilhin,” dagdag niya.—FRJ GMA Integrated News
