Kahit lumipas ang mahabang panahon, hindi kinalimutan ng Amerikanong si Bill ang dati niyang Pinay yaya na si Rose, na nag-alaga sa kaniya noong tumira ang kaniyang pamilya sa Pilipinas noong 1970’s. Sa pamamagitan ng social media, hinanap ni Bill si Rose, at hindi naman siya nabigo.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Bill Bowen, na 7-anyos lang siya noon nang manirahan ang kanilang pamilya sa Clark, Pampanga, nang madestino sa Pilipinas ang kaniyang amang sundalo.
Maliban sa kaniyang ama’t ina, kasama rin ni Bill ang kaniyang ate at kuya na malaki ang agwat sa kaniyang edad.
Habang nasa Pilipinas, naging libangan ng ama ni Bill na kumuha ng video. Kasama sa kanilang kinukuhanan ng video ang kaniyang yaya Rose na mahiyain umano sa camera.
Nakatira na ngayon sa Florida, USA si Bill. At para mahanap ang kaniyang yaya Rose, ipinost ni Bill ang ilang video at larawan ni Rose sa isang Facebook group.
Tumulong naman ang netizens para mahanap si yaya Rose, at mayroon pang gumawa ng kanta tungkol sa paghahanap ni Bill kay Rose na nag-viral.
Habang nasa Pilipinas, naghanap ang pamilya ng Bowen ng makakatuwang nila sa bahay. Nagkataon naman na naghahanap na trabaho ang 15-anyos lang noon na si Rose, na kaagad na natanggap.
Dahil may kalayuan ang agwat ng edad ni Bill sa kaniyang ate at kuya, si Rose daw ang naging madalas niyang kasama noon at kalaro.
Ngunit matapos ang halos tatlong taon na paninirahan ng pamilya Bowen sa Clark, kinailangan na nilang bumalik sa US noong 1979.
Dahil pamilya na ang turing ng mga Bowen kay Rose, inaya nila ito na sumama sa kanila sa US pero hindi naaprubahan ang kaniyang visa.
Bago umalis ng Pilipinas ang mga Bowen, dumalaw pa sila sa bahay at pamilya ni Rose sa Tarlac.
Nagkalayo man sila ng mahabang panahon, hindi raw nawala sa isipan ni Bill ang kaniyang mabait na yaya Rose, na natuklasan na 66-anyos na ngayon at nakatira sa Pampanga.
Kuwento ni yaya Rose, mahirap ang kanilang pamilya at sakitin ang kaniyang ama kaya napilitan siyang magtrabaho sa murang edad.
Hanggang sa nakilala niya ang pamilya Bowen at nag-aplay siya bilang kasambahay. Kaagad naman siyang tinanggap.
Ayon kay Rose, itinuring siyang pamilya ng mga Bowen, na isinasama sa pamamasyal.
Tandang-tanda rin ni Rose na palagi silang naglalaro at nag-uusap ng kaniyang alaga na si Bill.
Tunghayan sa video ang muling pagkikita nina Bill at Rose makaraan ang mahabang panahon. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News
