Napaulat kamakailan ang isang 23-anyos na tindera na binaril sa ulo habang naka-livestream sa social media sa Barangay Sta. Ana, Taytay, Rizal. Ang babae, sinasabing matulungin sa kaniyang pamilya, at maaasahan na empleyado ng kaniyang amo. Sa kasamang-palad, pumanaw din siya habang ginagamot sa ospital.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mas nakilala ang pagkatao ng biktimang si “Lyka,” mula sa mga pahayag ng kaniyang mga magulang na sina “Maricel” at “Eddie.”
Hiwalay na ang mag-asawa pero pareho silang lumuwas mula sa Isabela pa-Maynila para makita ang kanilang anak.
“Hindi madamot, mapagbigay na bata, mapagmahal, mapagbiro sa akin. Para kaming magkapatid,” sabi ni Maricel.
Upang makatulong sa pamilya, namasukan siya sa tindahan ni “Daisy” sa Taytay, Rizal, noong 2021.
“Yung pamangkin ko, girlfriend siya. Kaya 'yung bata, napunta sa akin. Naghiwalay din naman sila tapos nakilala niya 'yung bagong partner niya ngayon. Hindi na rin sila umalis sa bahay. Diyan na rin siya nagkaanak,” sabi ni Daisy, amo ni Lyka.
Maaasahan din sa tindahan si Lyka kaya niya nakuha ang loob ni Daisy.
“Parang kadugtong ng bituka ko 'yung bata na 'yun. Kasi lahat ng aspeto, tinutulungan niya ako. Lahat ng negosyo ko, siya ang pinagkakatiwalaan ko,” ani Daisy.
Nang mahuli ni Daisy ang dati niyang live-in partner na si “Mike,” hindi rin niya tunay na pangalan, na may ibang babae, dinamayan siya at inalalayan ni Lyka.
Enero 16 ng bandang 6:30 p.m. nang mahagip sa CCTV ang paglapit ng isang lalaki na naka-mask at may suot pang sombrero kay Lyka.
Kahit na may mask at sombrero ang suspect, namukhaan ito ni Daisy, at natukoy na ito ang dati niyang kinakasama.
“Sa anak ko po, ibinigay 'yung anim na negosyo ng mama-mamahan (Daisy) niya. Siya ang nangangasiwa, siya ang pinagkatiwalaan,” sabi ni Maricel.
“Alam ko na may ipon sila. Noong binuksan na daw, wala na daw ‘yung pera. Ang laman po daw, mga papel. Ang pinaghinalaan na kumuha ng pera ng suspek,” sabi pa ni Maricel.
“May isip naman si [Daisy]… talagang ayaw na niya sa kaniya (Mike). Kasi 20 times daw na niloko ng asawa niya at pinagnakawan pa niya,” sabi pa ni Maricel.
Enero 17, nang magsagawa ang PNP ng hot pursuit operation at natimbog nila ang suspek na si Mike. Nakakulong siya ngayon sa Taytay Municipal Police Station.
Ayon sa pulisya, itinanggi ng suspek na may kinalaman siya sa krimen.
Negatibo rin ang resulta sa isinagawang paraffin test sa suspek. Gayunman, tuloy parin ang pagsasampa ng kaso laban sa kaniya.—FRJ GMA Integrated News