Kung naghahanap ng makaka-date ngayong Valentine's Day, perfect para sa inyo ang speed dating events. Gaya ng inoorganisa ng isang U.S. certified matchmaker at science-based dating coach. Magkano naman kaya ang bayad? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang negosyong speed dating ni Vanessa Antonio, na tinatawag ding si “Coach Vee.”

Sa speed dating, may ilang minuto lang para makipag-usap sa kapwa single na naghahanap din ng partner. Matapos nito, lilipat na sa kasunod na prospect at uulitin hanggang sa makakilala ng maraming tao.

Nilagyan na rin ni Coach Vee ng twist ang kanilang speed dating dahil nilagyan nila ng piring o takip sa mata ang mga sumali para masubukan kung totoo ang “love is blind.”

“We've done a lot of teams before, but this is the first time in history that we're putting singles in a speed dating event blindfolded. ‘Pag tinanggal mo ba ang visual, posibleng ka pang ma-inlove, or puro ganda at pogi ka lang? We're really talking about real-real connection here,” sabi ni Coach Vee.

Sinimulan nina Coach Vee ang speed dating noong 2014 bilang passion project kasama ang kaniyang mga kaibigan na single. Matapos lamang ang tatlong taon, nakita nilang marami nang ikinasal dahil sa kanilang event.

Dahil dito, na-inspire si Coach Vee at ginawa na rin itong negosyo. Kumuha pa siya ng master's degree sa sociology.

Nang mabigyan siya ng pagkakataong makapagtrabaho sa Amerika, isinabay naman ni Coach Vee ang pag-aaral ng matchmaking sa New York.

“I want to be the first science-based dating coach in the Philippines. Para ang mga love advice natin ay hindi lang puro galing sa emosyon, pero hinahaluan din ng pating utak,” sabi niya.

Noong umpisahan ang negosyo sa Pilipinas, mayroon lang na tig-10 lalaki at babae na sumali sa una niyang event at ilan sa mga ito ay mga kaibigan pa niya.

Nagsimula sa P999 ang singil ni Coach Vee noon sa mga sumali sa speed dating dahil eksperimento pa lamang ito noon.

“And my main purpose lang naman that time is to test the concept. Meron bang mga single na willing magbayad para lang makamit ng quality and filtered na fellow single professionals?” sabi ni Coach Vee.

Makaraan ang mahigit 10 taon, nasa 50 katao na ang dumalo sa katatapos lang na speed dating event na inorganisa nila. Halagang P1,500 ang registration fee kapag sasali na sa kanilang speed dating.

“There was a time, we were organizing events every week. Tapos we've realized, andami-daming singles na pagod na sa dating app, pagod na sa internet. Gusto naman nilang maramdaman 'yung humans, 'yung interaction, talking, looking at another human being sa mata. It's a totally different experience than just being or talking to a technology,” anang dating coach.

Bukod dito, nagtuturo rin sila ng science-based techniques at tamang asal kapag nakikipag-date.

“We've actually seen a need to be able to coach people who need some sort of support, lalo na 'yung people skills. Because sanay na sanay nga tayo sa digital interaction, sometimes nawawala na 'yung mga basic human skills such as shaking hands, doing eye contact. How do you make a person feel special? What's the proper way of complimenting a woman?” sabi ni Coach Vee.

Pinaka-in-demand sa kanilang mga serbisyo ang high-end matchmaking, na sina Coach Vee na ang maghahanap at gagawa ng background check ng mga posibleng partner, sila na ang kakausap at mag-schedule kung kailan magkikita ang dalawang single.

Sa bawat taon, nangyayari ang “peak” ng kanilang negosyo kapag malapit na ang Valentine's Day. Sunod naman na peak ang ber months, na malamig ang panahon, at magkakaroon ng mga okasyon ang magkakamag-anak.

Marami umano ang sumasali sa naturang panahon na maaaring para makaiwas sa tanong kung “bakit single ka pa rin.”

Dahil sa kaniyang negosyo na may 12 empleyado, marami na ang nakahanap ng forever. Katunayan, Agosto 2025 nang ipagdiwang nila ang kanilang ika-100 na batch.

Si Coach Vee, isang breadwinner na tumutulong sa kaniyang single mom at mga kapatid.

“So starting at age 21, when I started working, 100% of my salary talaga goes to my family na. To support my siblings, to support my single mom. So what I do is para meron akong panggastos sa akin is I do events sa weekends. Before, I used to organize mga bloggers event or I do hosting so that I'll have money for myself,” kuwento niya.

Sa ngayon, kumikita na sila ng six figures, depende sa buwan.

Matagal ang pinagdaanan bago tinanggap ng mga Pilipino ang konsepto ng kaniyang negosyo.

“Kasi hindi naman uso ito dati eh. ‘Di ba ang nature ng tao kapag bago, may resistance. But right now, I think they're opening up to it,” ani Coach Vee.

“Whether I get paid or not, masaya ako sa ginagawa ko. Ang saya-saya ko kapag natutunan ko kung how love works, kung paano matutulungan 'yung isang tao na magkaroon ng love life, kahit feeling niya hopeless na talaga siya. Konting tweak lang pala, konting people skills lang pala, matutunan niya 'yung eye contact, konting learn lang how to present yourself, nagbabago ang buhay ng isang tao,” sabi niya. – FRJ GMA Integrated News