Sa gitna ng seremonya ng kasal ng nag-iisa niyang anak na babae, biglang bumitaw ang ama sa bride na inihahatid niya sa altar. Matuloy pa kaya ang kasal matapos mapaupo ang ama at maiyak? Alamin.

Sa nakaraang episode ng Good News, ipinakilala si Fredilynne Pugyao, ang mismong bride na ikinasal sa West Rizal, Kalinga, pero nakabase ngayon sa Sydney, Australia.

Ang kaniyang amang si tatay Freddie Alibuyog, kilalang tigasin at istrikto sa kanilang lugar, lalo pagdating sa unica hija na si Fredilynne.

“Mula pagkabata si Fredilynne, talagang hands on ang papa niya. Hinahatid tapos sinusundo. Tapos noong magdadalaga na ‘yung anak namin, kung uwian na dapat 'yung anak niya, nakauwi na. Doon naman po natuto 'yung anak ko kaya hindi po siya nabarkada, hindi po siya bulakbol,” sabi ni Irene Alibuyog, nanay ni Fredilynne.

Nang nagkolehiyo na si Fredilynne sa Nueva Vizcaya, ang tahimik at estriktong ama na si Tatay Freddie, unti-unti na umanong lumambing.

“Miss na miss na po niya 'yung anak niya kasi malayo 'yung anak. ‘Pag tumatawag 'yung anak niya, nag-i-love you na 'yung anak niya. Nag-i-love you na rin po siya. Pero dati po noon, hindi niya ma-express ko ‘yun,” kuwento pa ni Irene.

Kalaunan, niligawan na rin si Fredilynne ni Cadel Pugyao, tubong San Fabian, Pangasinan. Si Tatay Freddie, may pag-aalinlangan noong una.

“Sa akin naman eh, nag-iisang babae,” sabi ni tatay Freddie, na nagturo kay Fredilynne na maging “hard to get.”

Ngunit si Cadel, hindi nagpatinag at kinalaunan, lumambot na rin ang puso ni Tatay Freddie sa binata.

Nang makapagtapos ng pag-aaral, nagkaroon si Fredilynne ng oportunidad para makapagtrabaho sa Australia.

“Mahirap po physically, mentally, emotionally. Suwerte na po ako kung may five hours po akong natutulog. Ang kinakapitan ko na lang po is 'yung pagtawag sa family, prayer po talaga,” sabi ni Fredilynne.

Dumating ang mabigat na hamon kay Fredilynne habang nasa ibang bansa nang ma-stroke si Tatay Freddie sa Pilipinas noong Setyembre 2025.

“Mahirap talaga. Hindi magawa lahat. Hindi magawa lahat ng mga trabaho. ‘Di gaya ng dati, kayang kaya. Pero ngayon wala na,” sabi ni Tatay Freddie.

Gumaling man sa stroke, medyo hirap nang magsalita si Tatay Freddie.

Nitong nakaraang Disyembre nang magkaroon ng pagkakatao na umuwi ng bansa si Fredilynne, at sinorpresa ang kaniyang mga magulang.

Inanunsyo rin niya ang plano na nilang magpakasal ng nobyong si Cadel.

Naipaalam naman ito ni Cadel sa mga magulang ni Fredilynne.

“‘Kung ready na kayo, su-support kami sa inyo.’ Pinayagan naman, awa ng Diyos. Pinapangaralan niya kami ni father (Freddie) na ganito dapat 'yung gawin niyo sa buhay niyo,” sabi ni Cadel.

Sa mismong araw ng kasal nina Fredilynne at Cadel, nakita ang matinding emosyon ng pagmamahalan ng pamilya habang inihahatid si Fredilynne sa altar ng kaniyang mga magulang.

Pero si Tatay Freddie, napabitaw sa pagkakahawak sa anak, hanggang tuluyan na itong humagulgol sa upuan.

“Noong una, hindi ko matanggap po. Sa akin naman eh, nag-iisang babae sir. Mahal na mahal ko po siya,” pag-amin ni Tatay Freddie.

“Noong nasa gitna na kami, hindi ko na talaga kaya. Nagsasara na ang dibdib ko. Kaya naupo na lang muna ako sir,” sabi pa niya.

Si Cadel, hindi naman naiwasang mag-alala nang makita ang eksena.

“Sabi ko, ‘Ba't ganu’n? Ba't siya huminto?’ Bago ‘yung kasal, alam ko na eh, nininerbiyos na siya eh. Hindi niya nakayanan ‘yung happiness ng isang ama sir na ikakasal 'yung anak niya,” sabi ni Cadel.

Tunghayan sa Good News kung ano naging ending ng seremonya nina Fredilynne at Cadel, at kung nakayanan ba ni Tatay Freddie na tumayo sa kabila ng kaniyang nararamdaman sa paglagay sa tahimik ng kaniyang anak. Panoorin ang buong kuwento. – FRJ GMA Integrated News