Isang binatilyo ang nasawi matapos siyang makuryente nang nahawakan niya ang poste na nadikitan pala ng nabalatang kable ng kuryente sa Pozorrubio, Pangasinan.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nakaupo ang binatilyo malapit sa poste ng basketball hoop at nanonood ng liga ng basketball ng Barangay Talogtog.

Hanggang sa bigla na lamang nakuryente ang biktima nang mapahawak siya sa poste. Kalaunan, natuklasan ng mga tao sa lugar na may nabalatang kable ng live wire na nakadikit sa poste.

Ipinagtaka ng pamilya ng biktima kung bakit nagkaroong live wire na nakadikit sa poste.

Sinabi ng nagpaligang pamunuan ng Sangguniang Kabataan na nasuri nila ang lahat ng kable sa lugar bago umpisahan ang laro ng basketball.

Ayon sa kanila, posibleng bago lamang ang natuklap na bahagi ng kable ng kuryente na sanhi ng pagkakuryente ng binatilyo.

Tumangging magbigay ng pahayag ang chairman ng barangay.

Makaraan ang insidente, ininspeksiyon ang mga kable ng kuryente sa mismong basketball court.

Nagparating ng pakikiramay ang konseho ng barangay sa naulilang pamilya, at magpapaabot sila ng tulong pinansiyal. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News