Isa katao ang patay matapos magdulot ng karambola ang isang pickup na minamaneho ng lasing umanong driver sa Mexico, Pampanga.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang pagsalpok ng pickup sa kasalubong na motorsiklo sa bahagi ng Barangay Santo Domingo.

Nagdire-diretso pa ang pickup sa kasalubong na lane at bumangga sa iba pang sasakyan.

“Tinamaan na lang dahil noong nagka-[head-on-collision], nadamay na 'yung iba. Nasagi-sagi, tapos 'yung iba natulak, nabangga,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Julius Javier, hepe ng Mexico Police Station.

Ayon sa pulisya, anim na sasakyan ang nadamay sa karambola.

Nasawi ang backride ng nabanggang motorsiklo habang tatlong iba pa ang sugatan.

Lumabas sa imbestigasyon na nakainom ng alak ang pickup driver.

“Based on record dito sa investigation report natin at may medical examination siya. Sa hospital, isinubject siya sa clinical chemistry. Nag-positive siya sa alcohol,” sabi ni Javier.

Hawak na ng pulisya ang pickup driver na nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries, at damage to property.

Sinusubukan pang kunan ng panig ang pickup driver, pati ang mga kaanak ng nasawi at iba pang nadamay sa insidente.

Samantala, sa Mayon Avenue sa Rodriguez, Rizal naman, mapanonood sa kabilang linya ang isang truck na sinusundan ng isang tricycle at isang dump truck.

Ilang saglit pa, napahinto ang naunang truck at nag-umpisang umatras.

Sinalpok nito ang tricycle hanggang sa maipit ito sa pagitan ng dalawang truck.

Ipinaliwanag ng truck driver sa pulisya na nawalan siya ng preno sa paakyat na bahagi ng kalsada.

“Ang sabi niya may paparating na sasakyan sa kaniya, so iniwasan niya. So, tumapak siya ng brake, at sa walang sabi-sabi, nawalan siya ng buwelo paakyat, so umatras 'yung sasakyan niya,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Arwyn Gaffud, hepe ng Rodriguez Police.

Nagtamo ng sugat ang tricycle driver, habang ligtas ang kaniyang pasahero.

Nagkaayos na ang tatlong panig matapos ang insidente.

Sasagutin ng driver ng umatras na truck ang pagpapagamot sa tricycle driver, pagpapaayos sa kaniyang tricycle, at sa dump truck na nasa likod.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News