Isang lalaking limang-taong-gulang na huling nakitang kasama ang isang nakatatandang lalaki ang natagpuang kritikal at duguan, may malalim na sugat sa tiyan at leeg, at mga pasa sa mukha sa Navotas City. Ang ama ng biktima, inihayag na sinabihan siya na milagro kapag nabuhay ang kaniyang anak na sasailalim sa mga operasyon.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing nakita ang biktima malapit sa NLEX ramp sa R10 Sitio Puting Bato sa Barangay NBBS Proper noong hapon ng Martes, March 31, 2026.
Sa CCTV footage na nakuha ng pulisya, nakita ang biktima at dalawa niyang pinsan na mga bata rin na may kasamang isang nakatatandang lalaki.
“Hindi na nakita doon sa CCTV kung saan sila dumiretso pero palabas sila doon sa area kung saan nakita ‘yung bata natin,” ayon kay Police Colonel Renante Pinuela, hepe ng Navotas City Police.
Sa tatlo bata, tanging ang biktima ang hindi nakabalik.
Nang matagpuang duguan, dinala ang batang biktima sa Tondo Medical Center at nakita ang hiwa sa kaniyang tiyan at leeg, at pasa sa bahaging kaliwa ng mata, ayon kay Pinuela.
Sinuri ng mga imbestigador ang lugar kung saan nakita ang biktima at may natagpuang damit na may dugo na dinala sa crime laboratory upang masuri.
“Hindi natin alam kung [sa] suspek o kaninong mga damit ‘yon. So we’re checking kung kaninong dugo ‘yung mga nandoon sa mga evidence na ating nakuha,” sabi ni Pinuela.
Sa ospital, ipinakita ang larawan ng person of interest sa kaso, at tatlong beses umano itong itinuro ng biktima na siyang nanakit sa kaniya.
Kinilala rin ang dalawang bata ang naturang larawan ng suspek na nasa kustodiya na ng pulisya.
Pero hindi pa umano malinaw kung ano ang motibo ng suspek sa ginawang pananakit sa bata.
“Hindi namin makuha nang maayos kasi ‘yung suspek natin, hindi siya malinaw ‘yung sagot niya. Parang dina-divert niya,” ayon kay Pinuela.
Ikinuwento ng ama ng biktima na plano pa sana nilang dalhin sa fastfood restaurant ang kaisa-isa nilang anak nang araw na iyon. Hanggang sa makatanggap siya ng tawag mula sa asawa at sinabihan siyang pumunta sa ospital.
“Nakita ko yung anak ko. ‘Di ko na makilala kasi basag daw ‘yung mukha. ‘Di na makadilat yung isang mata. Pati ‘yung ulo. Parang demonyo yung gumawa talaga eh,” ayon sa ama.
Idinagdag ng ama sa sasailalim sa ilang operasyon ang kaniyang anak na kritikal umano ang kalagayan dahil sa matinding pinsala na tinamo sa tiyan nito.
Sinabihan na umano siyang milagro kapag nabuhay ang kaniyang anak.
“Gusto ko siyang yakapin. ‘Di ko magawa. Nasabi ko lang, ‘Nak, lakasan mo ang loob mo. Mahal na mahal kita.’ ‘Yung anak ko, gustong tanggalin ‘yung nasa bibig niya. Gustong sabihin na mahal niya rin ako,” emosyonal na pahayag ng ama.
Desidido siyang kasuhan ang suspek, na sasampahan ng reklamong frustrated murder at child abuse.
“Iaareglo ko pa ba ‘yon? Ganoon ang ginawa niya sa anak ko. Ginawa niyang hayop. ‘Di kami papaareglo,” giit ng ama. — FRJ GMA News
