Ibinahagi ni Boy Abunda ang sanhi ng pagkamatay ng veteran entertainment journalist na si Jobert Sucaldito, at ang hiling nito noon na magkaroon sana siya nang maayos na libing.
Sa segment na “Today’s Talk” sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Lunes, sinabi ng King of Talk na batay sa anak ni Jobert na si Carlo, cardiac arrest ang sanhi ng pagkamatay ng kaniyang kaibigan.
Bumagsak umano si Jobert habang nasa kaniyang silid at tumama ang ulo. Natagpuan siya ng kaniyang kasambahay na walang malay at agad na isinugod sa Philippine Heart Center, pero idineklara siyang dead on arrival.
Ayon kay Tito Boy, naospital si Jobert noong nakaraang buwan at nakita ng mga doktor na barado ang dalawa niyang ugat sa puso.
Inirekomenda umano ng mga doktor na ilagay siya sa intensive care unit, pero tumanggi si Jobert dahil kaya pa umano niya.
Ayon kay Tito Boy, nagluluksa siya sa pagkawala ni Jobert na malapit sa kaniya. Napaka-protective umano nito sa kaniya at isang tapat na kaibigan.
Kinumpirma rin ni Tito Boy ang bilin ni Jobert na ipaalam kaagad sa kaniya [TV host] kapag pumanaw na siya [Jobert}.
Ayon kay Tito Boy, sir ang tawag sa kaniya ni Jobert at sinabi nito sa kaniya noon na nais sana niya nang maayos na libing.
Sinabi ng emosyonal na King of Talk na ibibigay niya ito kay Jobert.
“I promise to do that. Sinabi ko [kay Carlo] na bibigyan natin nang maayos na paalam, maayos na libing, ang iyong ama," ani Tito Boy.
Pumanaw ang 65-anyos na si Jobert nitong Linggo, at nakaburol siya sa Loyola Memorial Park sa Commonwealth Avenue, Quezon City hanggang sa Huwebes. —Nika Roque/FRJ GMA News
