Ibinahagi ng Kapuso journalist na si Mav Gonzales ang isang sulyap sa halaga ng panganganak noong 2026, matapos niyang ihayag na umabot sa halos P700,000 ang kaniyang bayarin sa ospital matapos mabawas ang ambag na galing sa Philhealth.
Sa social media, ibinahagi ng Kapuso journalist ang detalye ng kaniyang mga gastusin sa Makati Medical Center, kabilang ang mga bayarin para sa panganganak, pananatili sa ospital, at pangangalaga sa kaniyang sanggol.
Ayon kay Mav, nagkakahalaga ng P1,580 kada oras ang birthing suite sa loob ng 24 na oras, habang P15,800 naman ang heated tub. Umabot sa kabuuang P53,720 ang halaga ng birthing suite.
Samantala, nagkakahalaga ng P115,163.26 ang kaniyang normal delivery, kabilang ang epidural, mga medical supplies, at mga gamot.
Ibinahagi rin ni Mav na sumailalim siya sa blood transfusion matapos mawalan siya ng “maraming dugo,” na nagkakahalaga naman ng P40,315.
Para sa kaniyang pananatili sa ospital, nakalista ang suite sa halagang P21,800 kada araw sa loob ng dalawang araw, o kabuuang P43,600.
Samantala, umabot sa P30,284 ang kabuuang bayarin para sa kaniyang sanggol.
Malaking bahagi rin ng kanilang gastusin ang professional fees. Nakalista ang bayad sa pediatrician na P58,478, P128,306 naman para sa anesthesiologist, at P258,294 para sa kaniyang OB-GYN.
Sa kabuuan, umabot sa P728,160.26 ang kanilang hospital bill.
Gayunman, nakatanggap siya ng P29,000 na benepisyo mula sa PhilHealth para sa kaniyang sarili at karagdagang P5,119.50 para sa kaniyang sanggol. Dahil dito, bumaba sa P694,040.76 ang kaniyang huling bayarin.
“Starting a GoFundMe now,” biro ni Mav sa caption na may laughing emoji.
Ikinasal sina Mav at Matthew Valeña noong 2025 at makalipas ang dalawang buwan ay inanunsyo nilang magkakaroon na sila ng anak.
Noong Mayo, isinilang ni Mav ang kanilang anak na babae na si Maya.
— Carby Basina/FRJ GMA News

_2026_08_11_11_44_55.jpg)