Mukhang Aspin o “Asong Pinoy” sa unang tingin ang mga Asong Gubat, o Philippine forest dog, pero ang totoo, matagal na silang naninirahan sa Pilipinas at naging kasama ng ating mga ninuno sa pangangaso. Ano-ano nga ba ang katangian ng mga asong gubat kumpara sa ibang lahi ng aso, at puwede ba silang gawing pet? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” sinabing kilala rin ang asong gubat bilang mga “witch dog.”

Karaniwang brindle ang kanilang kulay, o may tiger-like dark stripes o kaya itim na may mga white markings.

Pasok ang asong gubat bilang medium-sized dogs, na may tangkad na umaabot ng 48 centimeters.

Isa si Henry Wong sa nag-aalaga ng asong gubat na pinangalanan niyang si “Bundok.” Sweet, loyal at kasing aktibo raw niya ang alaga na kasa-kasama niya sa pagpunta sa bundok.

“Kahit mainit po 'yung panahon, matibay po sila. ‘Pag kasama ko siya sa pamumundok, wala din akong alinlangan na baka alagaan ko siya,” sabi ni Henry.

May higit 10 bundok na ang naakyat ni Bundok, kasama ang pinakamataas na bundok sa Pilipinas, ang Mount Apo.

“Si Bundok po napaka-behave po during trail at masunurin. Kahit first time niya sa isang lugar, alam na po niya agad 'yung daanan. Para po siyang nagiging isang tour guide,” sabi ni Henry.

Spade-headed o may ulong hugis pala ang mga asong gubat. Patulis na nakatayo naman ang kanilang mga tenga, habang almond-shaped at may kulay na hazel, brown o amber ang mga mata nila.

Baluktot din ang kanilang buntot, may mahabang paa na napakikinabangan sa pag-akyat sa mga puno.

Isa pa si Jeremy Barsobia mula sa Malaybalay, Bukidnon, na may best friend na asong gubat.

“Dito daw sila nagmula sa Bukidnon. 'Yung pride ko bilang isang taga-Bukidnon o bilang isang Pilipino, 'yun 'yung na-hook ako na mag-alaga sa kanila” sabi ni Jeremy.

Hindi rin basta-basta nakakapagparami ang mga asong gubat.

“Hindi sila 'yung naninirahan sa city na pagala-gala roon sa street. Sila 'yung living in the outskirts ng mga bundok. Sila 'yung namumuhay na sa paligid ng human inhabitation. Sometimes kasama nila 'yung tao but they can hunt and they can protect themselves,” sabi ng animal expert na si Romulo Bernardo.

“Mag-iingat din po tayo dahil sila po ay may kakayanang kumain o pumatay ng hindi nila kauri,” babala naman ng veterinarian na si Dr. Noel Manalo.

Matutulis ang kuko ng mga asong gubat pero kusa itong naglalagas bago mapalitan ng bagong kuko.

May natural immunity din ang mga asong gubat dahil likas silang namumuhay sa kagubatan.

Bukod sa witch dog, kilala rin ang asong gubat sa tawag na Tiger Dog at Bird and Rat Catcher.

Isinusulong na opisyal na kilalanin ang Philippine Forest Dog bilang kauna-unahang pure breed dog mula sa ating bansa. Katunayan, naimbitahan pa ito sa ginanap na Philippine Circuit Dog Show noong 2023.

Isa sa mga rumampa ang asong gubat na si “Sigbin,” kasama ang proud fur parent niya na si Mark Ebuenga.

“Kahit wala ka nang doorbell, kasi ‘pag may tao pa lang sa gate pupuntahan niya. Mabilis ‘yung tenga niya,” sabi ni Mark.

Batay sa paniniwala, meron nang mga Philippine forest dog bago pa man natuklasan ang Pilipinas noong 1521. Malaki ang naging tulong nila sa mga ninuno pagdating sa pangangaso.

Pati si Kuya Kim, may alagang Philippine forest dog na si “Tiger,” na inilarawan niyang pinakamalakas tumalon at malakas pumanik sa kaniyang mga aso.

Gayunman, hindi ipinagbibili ang mga asong gubat na galing mismo sa gubat upang gawing pet.

Batay sa Republic Act 9147, o Wildlife Resources Conservation and Protection Act, hindi puwedeng manghuli o mangolekta ng mga hayop na mula sa wild para gawing pet.

“Wild animals should be left out in the wild dahil 'yun talaga 'yung natural habitat nila. What we can do to deprive them of their freedom to be in their natural environment and to deprive them of 'yung social experience to be others with their own kind. And if there is a way that they can turn over the animal to a wildlife center who can rehabilitate and release for return to the wild, 'yun ang gawin nila,” sabi ni Anna Cabrera, Executive Director ng PAWS. – FRJ GMA News