Inanunsyo ng pamilya ng yumaong komedyanteng si Ate Gay ang detalye ng kaniyang burol na nagsimula ngayong Miyerkoles, November 4, 2026 sa Biñan, Laguna.

Sa Facebook post, nakasaad na nasa Capilla Del Padre Jose Burgos, Forest Lake Memorial Premier Chapel sa Biñan, Laguna ang mga labi ng komedyante hanggang sa Nobyembre 9.

Bukas ang public viewing mula 10:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon sa Nobyembre 4, at mula 8:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon sa Nobyembre 5 hanggang 8.

Maaaring bumisita anumang oras ang mga miyembro ng pamilya, malalapit na kamag-anak, kaibigan at kasamahan sa trabaho.

Gaganapin naman ang huling gabi ng burol at tribute para kay Ate Gay sa Nobyembre 9, bago ang kaniyang libing sa Nobyembre 10.

“As much as we would have wanted to hold Ate Gay's wake within his community, where he was known and loved by many, our current financial circumstances have made it difficult for us to do so,” saad ng pamilya sa pahayag.

Nagpasalamat din sila sa Forest Lake sa pagbibigay ng mga serbisyo sa punerarya at iba pang pangangailangan, na nakatulong upang mabawasan ang gastusin ng pamilya sa gitna ng kanilang pagdadalamhati.

Pumanaw si Ate Gay noong Nobyembre 1 matapos ma-stroke. Na-diagnose din siya na may Stage 4 cancer noong nakaraang taon.

Nitong nakaraang buwan, nagdaos si Ate Gay ng "living funeral" upang ipagdiwang ang kaniyang buhay kasama ang mga kaanak at mga kaibigan.—FRJ GMA News