Nagwagi ang ilang mga celebrity sa katatapos lamang na barangay at Sangguniang Kabataan elections, ayon sa ulat ni Lhar Santiago nitong Martes sa "Unang Balita."
Isa sa mga nanalo si Angelika dela Cruz, na nahalal muli bilang barangay chairman ng Longos, Malabon; samantala, nanalo bilang SK chairman si Dabarkads Miggy Tolentino sa Barangay 34, Maypajo, Caloocan City.
BF Homes barangay chairman na ang kapatid ni Reina Hispanoamericana 2017 Wynwyn Marquez na si Paolo Marquez, na dating nahalal bilang barangay kagawad.
Sa kabilang banda, nabigo si Boobsie Wonderland o Mary Jane Omes Arrabis na manalo bilang barangay chairman sa Bitungol, Norzagaray, Bulacan, ngunit abot-langit pa rin ang kaniyang pasasalamat sa mga sumuporta sa kaniya.
Hinimok naman ng ilang mga artista ang kanilang mga tagasuporta na bumoto, kagaya nila "Queen of All Media" na si Kris Aquino, ang "Pambansang Bae" na si Alden Richards, Chris Tiu, Wynwyn Marquez, Derek Monasterio, Kim Rodriguez, at Rachel Peters. — Rie Takumi/MDM, GMA News
