Hindi biro ang maging isang ina, lalo't mahalaga ring magtrabaho para sa ikakaahon ng pamilya. Pero handa ang ilang celebrity moms na balansehin ang kanilang oras para sa mga anak at sa trabaho.
Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing naging mala-fairy tale ang love story nina Dingdong Dantes at Marian Rivera, na nauwi sa kasalan. May Maria Letizia na sila ngayon na talagang mas kinakakilig pa ng fans.
Ngunit dito nasubok at mas hinangaan pa si Marian, na isang hands on mom habang inaasikaso rin ang showbiz commitments.
"Maiintindihan ko kasi mahirap naman talagang pagsabay-sabayin lahat. Pero siyempre kapag gusto mo at mahal mo 'yung nandiyan, lahat naman kayang gawan ng paraan," ani Marian.
Isa pa sa mga hinahangaang ina si Neri Naig, asawa ni Parokya ni Edgar singer Chito Miranda.
Maraming natututunan ang netizens sa business at parenting ideas ni Neri, na labis na sinusuportahan ng kaniyang asawang si Chito.
"Lahat ng binibenta ko, parte ng buhay ko. Makikita niyo sa Instagram, 'Pangarap' notebook or mga ideas. Sulat lang ako nang sulat kasi who knows baka 'yun naman ang papatok," sabi ni Neri.
Marami rin ang humahanga kay Asia's Songbird Regine Velasquez, dahil kahit busy siya sa trabaho, naglalaan pa rin siya ng oras para sa asawang Ogie Alcasid at anak na si Nate.
"Happy naman ako kasi I've got to spend a lot of time with him (Ogie) naman eh. So naging hands on naman din ako, meron akong good four years na wala akong masyadong ginagawa. I was spending a lot of time with him," sabi ni Regine.
Happy wife din ngayon si Diana Zubiri dahil suportado rin siya ng asawang si Andy Smith. Sabay silang naggi-gym bilang kanilang bonding moments.
"'Yung husband ko kasi PT na siya so siyempre, since fitness na rin 'yung business namin, naisip niya why not i-try kong mag-PT? Nu'ng nag-gym ako naisip ko, ito na 'yung palagi kong ginagawa so why not ito na rin 'yung ituloy kong business?" sabi ni Diana.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
