Para mapasaya ang mga customer na may kaarawan, pakulo na ng ilang staff ng restaurant na maghandog ng awit o sayaw habang ini-enjoy ng mga ito ang kanilang kinakain.
Ngunit ang isang restaurant trainee sa Mandaluyong City, kakaiba dahil todo-bigay pa siya sa pagsayaw para mas lalong mapasaya ang mga customer.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang viral dancing trainee na si Alexsandra Elicanal na taga-Makati.
Ayon sa video uploader, ginagawa ng kanilang restaurant staff ang pagsasayaw para sa mga may birthday na customer.
Tiyempo namang duty si Alexsandra, kaya napahataw siya!
Agaw pansin din ang kaniyang pink shades, na sinamahan ng mga petmalung dance moves.
May halos tatlong milyong views na sa Facebook ang video ni Alexsandra.
Singing waiter
Hindi naman papatalo ang singing waiter mula sa Mabalacat, Pampanga, na isa ring proud katutubo.
Kinilala siyang si Jayson Narciso, na suwabeng kinanta ang mga R&B classic tulad ng "Incomplete" ni Sisqo, "I'd Rather" ni Luther Vandross at "Weak" ng R&B trio na SWV.
Pinoy na Pinoy rin ang kaniyang instrumento para makumpleto ang performance.
Singing soldier
Hindi ring pahuhuli si Captain Joe Patrick Martinez, Deputy commander ng Third Civil Relations Group na patok rin bilang singing soldier.
Pride ng AFP si Captain Martinez, dahil siya rin ang gumagawa ng second voice sa inset.
Sinabi ni Martinez na hilig niya na talaga ang pag-awit at paggi-gitara, na kaniyang libangan kahit noong nasa bundok pa siya.
Laging naiimbitahan si Martinez na mag-perform sa mga programa ng AFP. —Jamil Santos/LBG, GMA News
