Kasunod ng pagbabalik sa live broadcast ng "Eat Bulaga" nitong Lunes, ibinalik na rin ang patok nilang segment na "Bawal Judgmental" nitong Huwebes habang sinusunod ang health at safety protocol bilang pag-iingat sa COVID-19.

Sa pagbabalik ng segment, ang dating Dabarkads at ngayo'y public servant na si Teri Onor ang naglaro sa studio kasama muli sina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Alden Richards at Maine Mendoza.

Ang mga taong pinagpilian ay nasa studio rin pero magkakahiwalay bilang pagsunod sa social distancing at nasa loob ng kaniya-kaniyang mala-life-size na "face shield" o booth.

Tungkol sa mga karanasan sa community quarantine ang ibinatong tanong kay Teri, tulad ng mga magsing-irog na naapektuhan ang kasal dahil sa pandemic.

Mayroon pa rin "help line" si Tery pero isang home partner mula sa Lucena City na naka-video chat.

Samantalang si Bossing Vic Sotto na siyang nagbabato ng mga tanong, naka-work from home naman.

Ang mga tao na pagpipilian ng sagot ay pumasok sa mga "face shields" o booths para maobserbahan pa rin ang social distancing sa gitna ng kuwentuhan.

Kahit wala pa ring studio audience, makikita pa rin ang kasiyahan sa naturang game segment, at dagdag-kilig ang pagsasayaw nina Alden at Maine, na sinasamahan ni Chizka (Wally).

Tulad ng dati, makapupulot pa rin ng mga dagdag-kaalaman sa segment dahil sa ibinabahaging karanasan ng mga taong pinagpipilian sa mga tanong.

Sa huli, nanalo si Teri at ang kaniyang kakampi ng tig-P30,000.00

--FRJ, GMA News