Sa sobrang pagmamahal ng 29-anyos na si Leonizo sa 33-anyos na transgender woman na si Venus, iminungkahi niyang magsama na lang silang tatlo, pati na ang bagong pag-ibig ni Venuz na si Kariff, 20-anyos.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing 2007 nang makilala ni Venus si Leonizo, na isang waiter sa Dipolog City.

Kaagad na nahulog ang loob nila sa isa't isa hanggang sa magsama sila na tumagal ng mahigit 10 taon.

Pero dumating daw ang pagkakataon na naging mahigpit na si Leonizo at naging sobrang seloso na nakaapekto sa kanilang pagmamahalan.

Hanggang sa nakilala ni Venus ang gasoline boy na si Kariff na nagparamdam sa kaniya ng tunay na pagmamahal.

Iniwan ni Venus si Leonizo at sumama kay Kariff.

Pero hindi kaya ni Leonizo na mabuhay nang wala si Venus kaya iminungkahi niya na magsama na lang silang tatlo sa isang bahay.

Pumayag naman si Kariff dahil sa pangako ni Leonizo na aalis ito ng bahay kapag handa na siyang tahakin ang buhay na wala si Venus.

Sa iisang bubong, muling ipinadama ni Leonizo ang kaniyang pagmamahal kay Venus sa pamamagitan ng pag-aasikaso sa kaniya. Habang si Kariff naman ang tanging naghahanap-buhay ngayong panahon ng quarantine.

Mabawi kaya ni Leonizo ang puso ni Venus kay Kariff? Alamin sa video ng ito ng "KMJS"

--FRJ, GMA News