Taong 2003 nang maging magka-penpal ang noo'y dalagitang Pinay na si Merrill at ang 17-anyos noon na Amerikanang si Marie. Nangyari ito nang maging "sponsor" si Marie sa pag-aaral ni Merril sa pamamagitan ng isang programa. Pero naputol ang kanilang ugnayan matapos ang ilang taon na pagsusulatan nang magkolehiyo na si Merrill.

Ang hindi alam ni Merrill, dinamdam ni Marie ang bigla niyang pag-alis sa programa at biglang pagkaputol ng kanilang ugnayan dahil wala man lang siyang natanggap ng sulat ng pagpapaalam.

Sa paglipas ng panahon, nakapagtapos ng kolehiyo si Merrill at nagkaroon ng nobyong Amerikano na nagdala na rin sa kaniya sa Amerika.

Sa kaniyang nalalapit na kasal, nais ni Merrill, 27-anyos na ngayon  na maging bahagi ng kaniyang kasal ang taong naging bahagi ng kaniyang buhay at pag-aaral--si Marie, 35-anyos na ngayon.

Naghanap siya ng paraan kung papaano muling makakaugnayan ang kaniyang dating ka-penpal, at hindi naman siya nabigo sa tulong ng internet.

Kaya naman nagawa ni Merrill na hilingin kay Marie na maging Maid of Honor sa kaniyang kasal.

Ngunit bukod sa sama ng loob sa biglang pagkaputol ng kanilang komunikasyon noon, ikinukonsidera rin ni Marie ang usaping pagkalusugan dahil sa COVID-19 pandemic at pati na ang apat na oras na layo ng lugar na kanilang kinaroroonan.

Habang si Merrill, umaasang makikita na nang personal sa unang pagkakataon ang dating ka-penpal sa importanteng araw sa kaniyang buhay.

Ang tanong, siputin kaya ni Marie si Merrill? Panoorin ang kakaibang kuwento ng kanilang pagkakaibigan sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

--FRJ, GMA News