Sa isang episode noon ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," natuklasan ni Maribel Perez sa pamamagitan ng DNA test na hindi niya pala tunay na ina si Aling Virginia. Ito ay pagkaraan ng walong taon na inakala nilang tapos na ang kanilang paghahanap sa kanilang mahal sa buhay.

Si Maribel, bata pa lang nang mawala sa Divisoria at ampunin ng isang tindera. Samantalang si Aling Virginia, may nawala ring anak sa Divisoria na Maribel din ang pangalan, at nataon na sa katulad na taon din nang mawala si Maribel [Perez].

'KMJS': Babaeng nawala sa Divisoria, matagpuan na kaya ang tunay na ina dahil sa 'lukso ng dugo'?

Taong 2012 nang makatanggap ng chat si Maribel [Perez] sa isang babae na unang inakala na siya ang nawawalang kapatid na si Maribel. 

Dahil sa tinatawag na "lukso ng dugo," inakala ni Maribel [Perez] na si Aling Virginia na ang kaniyang ina. Ganoon din ang naramdaman ni Aling Virginia para kay Maribel  [Perez], at itinuring nilang kadugo ang isa't isa.

Pero ang umampon kay Maribel [Perez], may pagdududa kung si Aling Virginia nga ang tunay na ina ng kaniyang anak-anakan dahil sa ilang detalye na hindi tugma sa pagkakatanda niya sa mga pangyayari.

Kaya naman nagpatulong sina Maribel na sumailalim sila sa DNA test para malaman talaga ang katotohanan. At nang lumabas ang resulta ng pagsusuri, lumitaw na hindi magkaano-ano sina Maribel [Perez] at Aling Virgina. 

Nalungkot man ang dalawa sa naging resulta ng DNA test, nagpasalamat na rin sila sa isa't isa dahil sa walong taon na kanilang naging pag-uugnay bilang "mag-ina," at kahit panandalian ay naibsan ang kanilang pangungulila sa ina at sa anak.

Pero pagkaraan na ilabas ang naturang episode, nakatanggap ng impormasyon ang programa mula sa isang ginang na naniniwala na siya na talaga ang tunay na ina na hinahanap ni Maribel.

But wait there's more. Dahil maliban sa bagong pag-asa kay Maribel [Perez], nagkaroon din pag-asa si Aling Virginia na makita ang hinahanap naman niyang anak na si Maribel din.

Tunghayaan ang pambirang kuwento na ito ng dalawang ina at dalawang anak, na parehong nagkalayo ng halos tatlong dekada. Magwakas na kaya ang kanilang paghahanap? Panoorin. 

--FRJ, GMA News