Nitong nakaraang Marso habang nakikitira sa bahay ng kaniyang kapatid dahil inabutan ng lockdown, naisipan ni Glyza Bernardino-De Jesus na mag-video call sa kaniyang ina para kumustahin ang mga ito. At sa kanilang pag-uusap, may  biglang umeksenang misteryosong babae sa video.

Kuwento ni Glyza, tinanong siya ng kaniyang ina kung mayroon ba siyang ibang kasama sa bahay nang mga sandaling iyon dahil nakita niya ang isang matandang babae na lumitaw sa likuran ng anak.

Pero giit ni Glyza, mag-isa lang siya.

Nagawa naman ng ina ni Glyza na i-screenshot ang naturang sandali nang pagsilip ng misteryosong babae sa video. Pero lalo silang kinilabutan nang makilala kung sino ang naki-video call sa kanila na batid nilang matagal nang patay.

Panoorin ang nakakapanindig balahibong episode na ito ng "I-Juander" na maging ang host na si Susan Enriquez ay aminadong natakot.

--FRJ, GMA News