Triplet nang isilang si Mary Christine pero siya na lang ang tanging nabubuhay. At nang minsan may kakaibang imahe na tila sumilip habang kumuha siya ng video para sa vlog, naniniwala ang pamilya na baka isa ito sa kaniyang kakambal.

Sa isang episode ng programang "iJuander," napag-alaman na ilang buwang gulang pa lang mula nang isilang ay pumanaw na ang isa sa mga triplet.

Ang isa pa sa triplet na si Mary Joy, pumanaw naman noong 2017 dahil sa sakit.

Kaya naman tanging si Mary Christine na lang ang natitira sa tatlo.

At isang gabi habang nagbi-video si Mary Christine sa kanilang bahay, bigla siyang natigilan at napatingala nang may mapansin siyang tila imahe o mukha na biglang nagpakita sa video.

Sinuri ng isang eksperto ang video at sinabi nitong walang manipulasyon na nangyari at posibleng may bagay lang na umeksena sa frame ng video pero hindi niya masabi kung ano.

Pero ang pamilya ni Mary Christine, naniniwala na posibleng ang namayapang si Mary Joy ang nagparamdam sa kanila. Kung ano ang posibleng dahilan, tunghayan sa kabuuan ng video. Panoorin.

--FRJ, GMA News