Matapos eskortan palabas ng isang mall sa Taguig kamakailan ang isang aso na nag-viral sa social media, ngayon, malaya na siyang makakapasok sa establisimyento dahil kasama na siya ng mga sekyu.

Sa viral video kamakailan, nakita ang aso na napag-alaman na "Dogdog" ang pangalan, na masayang nakahandusay sa sahig ng mall.

May tumawag ng security guard at maayos na kinuha ang aso para samahan palabas ng mall.

ADVERTISEMENT

Bukod sa natuwa ang mga netizen sa pagiging maamo ng aso, natuwa rin sila dahil sa maayos na pagtrato ng mga trabahador ng mall sa aso.

“To the Mall management, I commend you for this. Ang cute lang kasi parang nainitan na talaga si doggy sa labas,” sabi ng netizen Jan Mart Calimpong.

Ilang araw matapos mag-viral ang video, nag-post naman ng mga larawan ni Dogdog si YouScooper Rico Suco para ipaalam na ginawa nang parte ng guard mounting tuwing umaga ang aso.

Napag-alaman na si Dogdog ay aso ni Rico, na isa ring guwardiya sa mall.

Hindi raw kalayuan ang bahay nila sa mall kaya nakakarating daw ito sa mall na isa namang pet friendly mall. --FRJ, GMA News