Sa episode ng "The Boobay and Tekla Show" nitong Linggo, nabigyan ng pagkakataon si Tekla na ilahad ang kaniyang saloobin sa matinding pagsubok na kaniyang pinagdaanan kamakailan tungkol sa relasyon nila ng kaniyang ka-live in na si Michelle.

Sa isang segment ng programa, tinanong si Tekla ng mga regalo na nais niyang ibigay sa ilang tao na bahagi ng kaniyang buhay ngayong Pasko, kabilang na ang anak niyang si Aira, ang kaniyang ama, at si Michelle.

Ayon kay Tekla, nais niyang regaluhan ng bagong cellphone ang kaniyang anak na nasa probinsiya.

Pero mas excited si Tekla na makabiyahe ang kaniyang anak pa-Maynila para makapiling niyang muli at dito na rin manirahan.

Tungkol sa kaniyang ama, sinabi ni Tekla na nais na niyang magpahinga ito sa paggapas kaya nagpadala na siya ng pera para makabili ng mga hayop na gustong alagaan.

Pagdating kay Michelle, mga pangaral at paalala naman ang nais niyang iregalo sa ina ng kaniyang anak na si baby Angelo.

"Ingatan mo yung anak mo," sabi ni Tekla na naging emosyon nang sabihin na hindi pa 100 percent na ligtas ang bata.

Sumailalim noon si Angelo sa operasyon dahil walang butas ang puwet ang bata.

"Marami pa kaming puwedeng asikasuhin sa bata na maging normal. So lahat ng salitang puwede kong ilapat sa'yo na gabayan s'yo na alagaan mo yung anghel mo, alagaan mo ang anak mo. Kasi kakastiguhin tayo ng Diyos niyan kung may masamang mangyari diyan," sabi ni Tekla.

Tiniyak din ng komedyante na hindi siya magpapabaya pagdating sa suporta sa kaniyang anak na nasa pangangalaga ni Michelle.

"Alagaan mo si Angelo. Maging nanay ka, maging mabuting ina ka sa anak mo. Nandito ako sumusuporta sa anak ko, hindi kita pababayaan diyan," patuloy niya.

Nang tanungin kung mahal pa ba niya si Michelle, sinabi ni Tekla na hindi naman kasalanan ang magmahal.

Aminado rin ang aktor na sobrang minahal niya si Michelle sa kabila ng mga payo sa kaniya noon na layuan ang babae dahil walang mabuting idudulot sa kaniya.

Tanggap naman daw ni Tekla kung hindi pagmamahal ang isinukli sa kaniya ni Michelle dahil sa kontrobersiyang kinaharap niya.

"Sa ginawa niya na muntikan na kong maghingalo at itinulak niya ako sa bangin. Eh wala naman siyang wawarakin dito, dun siya nagkamali, wala namang sisirain," biro ni Tekla.

Gayunman, wala raw siyang itinatamin na galit kay Michelle tulad ng mga pagkakamaling ginawa nito noon.

Aniya, tanggap niya na hindi lahat ng pagmamahal ay pagmamahal din o kabutihan ang isinusukli.

Ginamit din ni Tekla ang pagkakataon sa lahat ng mga taong nagtiwala sa kaniya at sa GMA na hindi siya kaagad hinusgahan.

Muli ring pinasalamatan ni Tekla si Boobay dahil sa birthday wish nito na ipinagkaloob sa kaniya na malampasan sana ang pagsubok sa buhay.

Pangako ni Tekla, ang kaniya namang birthday wish ay iaalay niya kay Boobay.--FRJ, GMA News