Matapos lumitaw na negatibo ang DNA test ni Aphril Sifiata sa baby na kaniyang naiuwi mula sa isang ospital sa Rizal, nagpaunlak na rin ng panayam ang mag-asawa na pinapaniwalaan niyang nakapalitan niya ng anak.

Pero sa panayam ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," malaki ang paniniwala ng mag-asawang Margareth at Kim Mulleno, na anak nila ang sanggol na nasa kanila.

Ayon kay Margareth, bukod sa naramdaman niya ang tinatawag na lukso ng dugo, kamukhang-kamukha rin daw ng kaniyang asawa ang bata.

Wala rin daw silang naging problema sa ospital nang nananatili sila roon.

Tungkol sa name tag na sinasabing nakakabit sa baby na ibinigay at iniuwi ni Aphril, sinabi ni Kim na pinapalitan niya lang ang name tag ng kaniyang baby dahil mali ang spelling sa pangalan ng bata.

ADVERTISEMENT

Nalaman lang daw nila ang problema nang kontakin sila ng ospital at humingi ng larawan ng baby dahil nga sa hinihinalang baby switching.

“After two days yata noong makauwi kami, nagpunta sila to explain na baka nga nagkaroon ng baby switching since may isa pang baby na may kaparehas ng tag ng sa amin na apelyido niya ’yung nakalagay,” ani Margareth.

“This isn’t supposed to happen [and] for firstborn for two families. So, sobrang nakakaawa for us and the other family, even though medyo less on our side ’cause we firmly believe na tama naman yung baby na nakuha namin since wala namang naging issue. You feel the connection tapos biglang may ganito,” pahayag pa niya.

Nag-alok daw ang ospital na isailalim siya ang baby nila sa DNA test pero hindi naman umano natutuloy.

Samantala, bukod sa DNA test na ginawa kay Aphril at baby na hawak niya, lumabas din ang resulta ng DNA na isinagawa sa kanila ng ospital at lumitaw na negatibo rin ang resulta--na ang ibig sabihin ay hindi talaga sila mag-ina.

Pumayag naman si Margareth na magpa-DNA test at hawak niyang baby na sinagot ng "KMJS."

Ayon sa isang abogado, kung sakaling maging negatibo rin ang DNA test nina Margareth at sa baby na nasa kaniya, kailangan naman na magkaroon ng panibagong DNA test si Margareth sa baby na na kay Aphril;  at si Aphril sa baby na hawak ni Margareth para matiyak kung ito nga ang kanilang mga anak.

Nang magkausap ang dalawang panig, inalok nina Aphril sina Margareth naging ninong at ninang ng kanilang anak sakaling lumitaw na anak nga niya ang baby na nasa kabilang pamilya.

Tiniyak naman ng panig ni Margareth na gagawin nila ang tama kung anuman ang magiging resulta ng DNA test.– FRJ, GMA News