Not once but twice nang iniligtas ng asong si Rover, isang Dachshund, ang kaniyang mga amo kaya itinuturing siyang "hero dog."

Sa programang "Aha!," ikinuwento ni Annex Codilla na isang hapon noong Enero nang biglang magtatahol at tila may kinakalmot ang aso nilang si Rover habang nasa balkonahe ng kanilang bahay.

ADVERTISEMENT

Nang suriin nila, nakita nila ang isang ahas na nanlambot na dahil kinagat at kinalmot na ni Rover.

Isang gabi naman noon ding Enero, mahimbing na ang tulog nina Annex nang biglang walang tigil sa pagtahol si Rover na tila may gustong ipahiwatig.

Nagpabalik-balik ang aso sa ref at sa kanilang higaan. Kaya nagpasya na si Annex na bumangon at suriin kung ano ang ikinaliligalig ng alaga.

Nagulat siya nang makaamoy siya ng nasusunog at makita ang makapal na usok dahil nag-overheat na pala ang saksakan ng kanilang ref.

Agad naman nilang nabunot ang saksakan at napigil ang posibilidad ng sunog.

"Mahal na mahal po namin siya kasi parang tao na rin po ang turing namin sa kaniya, parang pangatlong baby na rin namin ang pagtrato namin sa kaniya," sabi ni Annex.

Bakit nga ba sobrang malapit ang kalooban ang mga aso sa mga tao?  Tunghayan ang buong episode na ito ng "AHA!" para mas lalo pang makilala ang inyong "fur best friend." Panoorin.--FRJ, GMA News