Tila hindi rin kaagad nakapaniwala ang mga bisitang co-host sa "The Boobay and Tekla Show" nang malaman nilang naging "close" at naugnay noon kay Allan K ang tatlong male celebrity na pang-sports ang isa.

Sa segment na "May Pa-Presscon," una munang tinanong nina Boobay at Tekla si Allan kung sino ang crush niyang celebrity noon.

"Hindi ko nga maalala na nagka-crush ako. Ang alam ko sila ang nagka-crush sa akin," natatawang sabi ng komedyante.

Pero pag-amin ni Allan, marami siyang crush sa celebrity lalo na noong bagong pasok siya sa showbiz.

"Siyempre Japayuki ako noong araw bago ako nag-showbiz," ayon kay Allan, patungkol sa pagtatrabaho niya bilang entertainer sa Japan noon.

Kasunod nito ay may ipinakita naman sina Boobay at Tekla kay Allan ng tatlong larawan ng male celebrities. Pero sila-sila lang ang nakakakita sa larawan at hindi ipinapakita sa camera.

ADVERTISEMENT

Pero hinayaan ni Allan na makita rin ng mga guest co-host na tinatawag na "mema squad" ang mga larawan.

Sa unang larawan, sinabi ni Allan na mabait ang lalaki na nasa larawan at katulad din niyang Ilonggo.

Nang tanungin ni Tekla si Allan kung minahal niya ang lalaki sa larawan, sagot ng komedyante, "Mapagmahal naman akong tao eh."

Biro pa ni Allan, mahal niya rin naman sina Tekla at Boobay pero mas mahal niya ang lalaki sa larawan.

Nagbigay din ng clue si Allan na nalilinya sa sports ang lalaki sa unang larawan.

Dito ay humirit ang guest co-host na "Mema Squad" na si Krissy Achino,impersonator ni Kris Aquino, na napatunayan niyang "same [ang] taste" sila ni Allan.

Sa ikalawang larawan, tila nagulat si Allan kung papaano nalaman ng nag-research na nagilang close sila ng sumunod na male celebrity.

"Mabait ito actually. Akala ng iba antipatiko kasi may lahi pero the truth is, ang bait bait bait nito," paglalarawan ni Allan sa lalaki.

Ipinagmalaki rin ng komedyante na maganda ang abs ng lalaki na nakakapagod daw bilangin.

Sa ikatlong larawan, sinabi ni Alan na may lahi rin ang naturang lalaki, mabait at talented.

"Noong makita [ko siya] sabi ko, 'May talent ka. Punta ka sa Klownz," ayon kay Allan kung saan binibigyan daw niya ang lalaki na kumanta sa pag-aari niyang comedy bar.

Pahiwatig ni Allan, laking Amerikano ang naturang lalaki na mahusay umawit.--FRJ, GMA News