Nakita sa video ang isang nakasibilyang pulis na tatlong beses na ipinutok ang hawak na baril at pagkatapos ay inilagay sa tabi ng isa umanong drug suspect na napatay sa buy-bust operation sa Valencia City, Bukidnon.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabing nangyari ang naturang operasyon noong Pebrero 20 sa Barangay Batangan.

Napatay umano ang drug suspect matapos manlaban sa mga awtoridad sa isang lehitimong buy-bust operation, ayon sa Police Regional Office 10.

ADVERTISEMENT

Idinagdag ng pulisya na nainis lang daw ang nakasibilyang pulis kaya ipinutok nito ang baril.

Tatlong basyo ng bala ng kalibre .38 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.

Pero ilang araw matapos ang naturang insidente, namatay naman dahil umano sa aksidente ang pulis na nakita sa video.

Sa ulat ng GMA Regional TV "One Mindanao," kinilala ang naturang pulis na si Police Cpl Benzon Gonzales.

Habang ang napatay na umano'y drug suspect ay kinilalang si Pol Estañol.

Ayon kay Police Captain Francisco Sabud, tagapagsalita ng PRO-10, aalamin pa nila sa cyber crime division ang "authenticity" ng video na kumakalat na ngayon sa social media.

Tiniyak din niya na hindi kokonsintihin ng kanilang opisyal kung mayroon nagmamalabis sa isinasagawang buy-bust operation. --FRJ, GMA News