Isang rider ang nasawi matapos na sumalpok sa isang poste sa Malolos, Bulacan. Ang rider, mabilis daw ang takbo dahil tinakasan ang police checkpoint na kaniyang nadaanan.

Sa GMA News Feed, makikita ang video footage nang parahin ng mga nakaunipormeng pulis ang nasawing rider na si Aldrin Cris Dela Cruz, sa Barangay Matimbo sa Malolos noong Marso 12.

Pero sa halip na tumigil, humarurot palayo si Dela Cruz, dahilan para naman siya habulin ng mga awtoridad.

ADVERTISEMENT

Hindi nagtagal, sumalpok na siya sa poste na agad niyang ikinamatay.

Ayon kay Virginia, ina ng rider, nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang kaniyang anak.

Posibleng natakot daw ang kaniyang anak kaya hindi tumigil sa checkpoint dahil sa galing ito sa pakikipag-inuman sa kabilang barangay at wala ring dalang lisensiya.

Nanindigan ang mga pulis at force multiflier na ginawa lang nila ang kanilang trabaho sa naturang pangyayari.

Hinabol daw nila ang rider dahil kahina-hinala ang hindi nito paghinto sa checkpoint.

Paalala nila sa puliko, sumunod sa panuntunan sa checkpoint na ginagawa nila para na rin sa seguridad ng publiko.--FRJ, GMA News