Sinibak sa trabaho ang dalawang doorman ng isang gusali sa Times Square sa New York na nahuli-cam na hindi tinulungan at pinagsarhan pa ng pinto ang isang 65-anyos na Pinay na biktima ng hate crime.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing base sa isinagawang imbestigasyon ng pamunuan ng gusali, pinabayaan at pinanood lang ng dalawa ang ginawang pananakit ni Brandon Elliot sa biktimang si Vilma Kari.

ADVERTISEMENT

Sa mismong CCTV na nasa loob ng gusaling pinagtatrabahunan ng dalawa, makikitang isinara pa nila ang pinto ng gusali sa halip na tulungan si Kari.

Ang naging aksyon ng dalawa ay paglabag umano sa emergency at safety protocols ng kompanya.

Matatandaan na naglalakad lang noon si Kari sa bangketa nang makasalubong niya si Elliot at basta na lang siyang sinipa sa sikmura.

Sa lakas ng sipa, natumba ang biktima at pinagsisipa pa siya ng salarin sa mukha bago umalis.

Nadakip si Elliot ilang araw matapos ang insidente at sinampahan  na ng kaso sa korte.--FRJ, GMA News