Pinili umano ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III, na gawing pribado ang kalagayan ng kaniyang kalusugan. Ayon sa kaniyang dating tagapagsalita, sumasailalim na sa dialysis ang namayapang dating pangulo.

Sa panayam ng GMA News "Unang Hirit," sinabi ni Deedee Siytangco, na iilang tao lang ang nakakaalam sa kondisyon ng kalusugan ni Aquino.

“Maski noong nagda-dialysis siya, ayaw niyang ipasabi. Actually, nagkaroon na siya ng procedure sa heart. Tapos binu-build up yung katawan niya for a possible [kidney] transplant,” sabi ni Siytangco.

Ayon sa pamilya Aquino, labas-masok na si Aquino sa ospital para sa pagpapagamot bago pa nagsimula ang COVID-19 pandemic.

Nitong Huwebes ng umaga, pumanaw sa edad na 61 ang dating pangulo dahil sa renal disease dulot ng sakit niyang diabetes.

Ipina-cremate ang mga labi ng dating presidente at nakatakdang ilibing sa Sabado sa Manila Memorial Park sa Parañaque City, kung saan nakahimlay ang kaniyang mga magulang na sina dating Pangulong Corazon Aquino at dating senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr.--Jamil Santos/FRJ, GMA News