Nagsimula sa "maming tayo" o de-kariton na paraan ng nagtitinda ng mami, ngayon ay may sariling puwesto na sa Maynila ang isang tindero ng mami at dinadayo ng napakaraming customer. Dahil sa sarap na kaniyang recipe, kumikita raw ang kaniyang mamihan ng P100,000 kada araw.
Sa programang "Pera Paraan," ibinahagi ni Jim Delos Santos, ang ingredients ng kaniyang "Jim's Pares and Mami" na nasa Maria Orosa Street sa Malate.
Kasama sa sikreto ang mga buto-buto na pinakukuluan na magsisilbing masarap na sabaw sa kaniyang mami.
Busog na busog na ang customer sa pares ni Kuya Jim sa halagang P70.
Taong 1999 pa nagnegosyo ni Kuya Jim, na nanggaling sa Cavite at lumuwas ng Maynila para ilako ang paninda niyang mami.
Nagsimula sa puhunang P2,000, ngayon ay kumikita na raw siya ng mahigit P100,000 kada araw.
Imbes naman na sa luho, sa pagtulong sa mga nangangailangan ginagamit ni Kuya Jim ang kaniyang kinikita.
Tunghayan ang kaniyang buong kuwento sa video ng "Pera-Peraan."
--FRJ, GMA News
