Hindi inakala ng mga magkakapatid na ang hindi nila noon na pinapansin at halos nakalimutan nang lupain na ipinamana sa kanila ng kanilang inang tindera ng gulay, ay napakalawak pala at may malapit pang talon.

Sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing naitaguyod ni Nanay Leoning ang kaniyang 11 anak sa pamamagitan ng pagtitinda ng gulay sa palengke.

Kahit simple lang ang kanilang buhay, sinabi ni Noel, isa sa mga anak ni Nanay Leoning, na busog sila sa pagmamahal ng kanilang masipag na ina.

Bago pa man daw pumanaw ang kanilang ina noong 2004, may binanggit na raw ito sa kanila tungkol sa lupain sa Camarines Sur na namana niya sa kaniyang mga magulang na iiwan naman niya sa mga anak.

ADVERTISEMENT

Pero hindi raw nila ito masyadong pinansin hanggang sa pagkaraan ng 17 taon, muli nila itong mapag-usapan nang kontakin sila ng mga kaanak sa Bicol tungkol sa naturang lupain na matagal na nilang hindi binibisita.

Nangyari ito nitong nagdaang Hulyo nang pumanaw naman ang isa nilang kamag-anak sa Bicol.

Dahil na rin sa pandemic at apektado ang kanilang hanapbuhay, nagpagpasyahan ng ilang sa magkakapatid na tingnan ang sinasabing lupain sa Bato, Camarines Sur.

At nang kanilang marating at makita ang lugar, nagulat sila sa laki nito na limang hektarya, may magandang tanawin, at may malapit pang talon--ang dinadayong Bagacay Falls.

“Parang may yumakap sa akin na malamig. Sabi ko, ‘Siguro kasama ko nanay ko,’” ayon sa isa sa magkakapatid.

Ano kaya ang planong gawin ng magkakapatid ngayon nakita na nila ang lupain ng ipinama sa kanila ng ina? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."

—FRJ, GMA News