Nasawi ang isang lalaki na nakalambitin sa isang hot air balloon at tuluyang mahulog mula sa taas na 330 talampakan sa Northern Israel.

Kinilala ang lalaki na si Cohen Yogev, base sa imbestigasyon ng pulisya at ng Civil Aviation Authority.

Sa video ng ADMMA, na mapapanood sa GMA News Feed, makikita ang paglambitin ni Yogev sa hot air balloon habang lumilipad ito sa ere.

Kasama si Yogev sa staff na naghahanda ng hot air balloon para sa take-off. Base sa mga lumabas na ulat, sinabihan umano ng piloto si Yogev na tumalon na agad habang hindi pa nakalilipad nang mataas ang balloon. Pero tumanggi umano ang lalaki at kumapit sa basket.

ADVERTISEMENT

Dahil dito, sinubukan umano ng crew na itigil ang balloon habang hinihila ng mga pasahero si Yogev papasok ng basket.

Sa kasawiang palad, nadulas ang biktima at nahulog.

Sinabi ng pulisya na nahulog ang lalaki sa highway mula sa taas na 100 metro o 330 talampakan, at tumama pa sa isang sasakyan nang bumagsak.

Nagtamo si Yogev ng multi-systemic injury, at hindi na siya humihinga wala nang pulso nang ma-rescue, ayon sa isang paramedic.

Mayroong 14 pasahero ang balloon nang mangyari ang insidente, na mga ligtas naman, kabilang ang piloto.

Wala ring nasaktan mula sa nabagsakang kotse sa highway.

Isinara ng pulisya ang highway habang patuloy silang kumakalap ng salaysay mula sa crew at mga pasahero ng balloon na nakasaksi sa insidente. --FRJ, GMA News