Mula sa isang batang nagmula sa mahirap na pamilya, kung ano-anong trabaho ang pinasok ni Toni Fowler nang lumaki siya. Kabilang dito ang pagiging dancer sa club na P300 kada gabi ang kita. Ngayon, may mala-palasyong bahay na siya na katas ng kaniyang pagiging vlogger.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabi ni Toni na may mga nagsasabi na mukhang munisipyo rin ang kaniyang bagong bahay dahil sa malalaking poste nito sa harapan.

Kuwento niya, noong bata siya ay siksikan sila sa kanilang bahay na parang lumpia. Ang baha sa labas naman ang nagsisilbi niyang swimming pool.

Malalaki rin daw ang daga sa kanilang lugar na kailangan niyang iwasan kaya natuto siyang magsayaw.

Nang lumaki, pinasok ni Toni ang iba't ibang trabaho. Kabilang diyan ang pagiging dancer sa club na hindi niya ikinahihiya.

Aminado rin siya na hindi na siya matalino kaya wala ring nangyari nang minsang nag-apply siya bilang call center agent dahil mahina siya sa ingles.

Dahil kayod nang kayod pero hindi umaasenso, naisip ni Toni noon na mailap ang suwerte sa kaniya.

"Trabaho ka nang trabaho tapos mahirap ka rin. Mahirap abutin yung pangarap kasi parang imposible na," saad niya.

Minsan na rin niyang hiniling sa Diyos na ipatikim naman sana sa kaniya ang magandang bahay dahil masipag naman siya.

"Ang tagal nang dancer pero walang nangyari sa akin. P300 per day, pagod na pagod ka na. Lord, kailan ba ako makakatira sa magandang bahay? Paranas mo naman nagsisipag naman ako," saad niya noon sa isang video.

Hanggang sa isang araw noong 2019, bumili siya ng cellphone kahit hindi niya alam kung saan siya maghahagilap ng pambili nila ng pagkain.

Magmula noon, sinimulan na niya ang pagiging vlogger at content creator.

Kinarir [career] niya ang pagiging vlogger at binuksan ni Toni sa publiko ang kaniyang buhay, pati na ang kaniyang love life, pagpaparetoke at iba pa.

Dahil marami ang naaliw at naka-relate, ngayon, mayroon na siyang mahigit anim na milyon subscribers sa Youtube.

At ang dating pangarap lang, nakamit na niya ngayon tulad ng pagkakaroon ng ng mala-palasyong bahay na may sariling swimming pool.

Tunghayan sa video na ito ng "KMJS" ang hirap at tamis ng tagumpay sa buhay ng isa sa sikat na vlogger ngayon sa bansa--si Toni Fowler. At ano kaya ang maipapayo niya sa mga katulad niyang nangangangarap? Panoorin.

--FRJ, GMA News