Napukaw ang damdamin ng mga netizen sa tila panghaharana ng mga grupo ng banda sa isang namayapa sa San Jose, Navotas.

Ayon sa anak na si John Custer Quinto, ang mga kumanta sa burol ng kaniyang amang si Nick Quinto ay mga kasamahan noon ng kaniyang tatay sa dalawang magkaibang banda.

Mula pa raw noong taong 1981 ay tumutugtog na raw ang kaniyang ama, at ang huling gig nito ay noong 2005.

Aksidente lang daw ang pagkikita ng mga kasamahan ng kaniyang ama sa pagdalaw nila sa burol nito noong Setyembre 2021, hanggang sa nagkasundong tugtugan ang yumao.

"Matagal na pong dream ni Daddy na mapagsama-sama sila dahil nga different genre sila pero nangyari na siya during wake ni Daddy. Lahat po ng tinugtog nila favorite ni Daddy pati yung 'Here, There and Everywhere' ng Beatles dahil lagi niya pong kinakanta 'yan eh," kuwento ni John.

Heart failure due to complications ang ikinamatay ni Tatay Nick.

Bumalik ang mga kasamahan nito sa ika-40th day ng pagpanaw niya upang haranahin muli. Alay daw nila ito para sa kanilang "Leader of the Band."

"Overwhelmed po kami kasi hundred thousand po 'yung naka-appreciate sa tribute ng mga barkada ni Daddy sa kaniya. Alam po namin ng pamilya ko na sa pagkakataong ito, masayang masaya po ang aking ama sa inyong pakikiramay at pag-appreciate sa tribute song ng kaniyang mga kaibigan," dagdag ni John. —KG, GMA News