Dahil sa takot, hindi na ginagamit ng pamilya ni Mirasol ang isang kuwarto sa kanilang bahay na madalas daw na magparamdam ang kaluluwa ng isang babae. At nang minsan na matulog doon ang kaniyang kapatid, sinaniban umano ito.
Sa programang "Dapat Alam Mo," sinabing isang taon nang naninirahan sa apartment ang pamilya ni Mirasol.
May katabing malaking puno na nakatayo sa bakanteng loteo ang kuwarto kung saan madalas daw na magparamdam ang kaluluwa ng babae.
Bukod sa kuwarto, madidinig daw umano ang mga yabag na may umaakyat at bumababa sa hagdanan. Kung minsan, nadidinig din umano ang iyak ng babae kahit sa loob ng banyo.
Nang minsan na makitulog ang kapatid ni Mirasol sa bahay, sinaniban daw ito at nag-akya't panaog sa hagdan, at gusto pa silang patayin.
Para malaman kung sino o ano ang nanggugulo sa bahay nina Mirasol, nagsagawa ng imbestigasyon ang paranormal researcher na Ed Caluag.
Kaagad nitong naramdaman ang pagpaparamdam ng babae sa buong bahay.
Sa gilid daw ng kama sa kinatatakutang kuwarto madalas umupo ang kaluluwa.
Napansin din ni Ed ang anak ni Marisol, at nahulaan niya na nakita ng bata ang kaluluwa ng babae. Pareho ang kanilang paglalarawan na mahaba ang buhok ng babae.
Nang makipag-usap ang kaluluwa kay Ed, nabahala siya dahil galit umano ang babae at nais na may "kunin" sa pamilya.
Kaya inilabas na ni Ed ang kaniyang gamit na "ghost box" para makausap ang kaluluwa. Ayon sa kaluluwa, ang pangalan niya ay "Elsa," at pinatay siya sa saksak.
Nang tanungin ni Ed kung ano ang puwede niyang gawin para mapayapa ito, binanggit umano ng babae ang puno na katabi ng kuwarto.
Paano nga ba mapapayapa ni Ed ang galit na kaluluwa ni "Elsa," at ano talaga ang pakay niya sa pamilya ni Mirasol? Panoorin ang buong kuwento sa video.
--FRJ, GMA News