Bagaman walang diborsyo ngayon sa Pilipinas, napag-alaman na pinapayagan pala ito noon. At nagkaroon pa ng kinalaman ang pananakop sa atin ng ibang bansa sa naging kapalaran ng naturang batas patungkol sa pagsasama ng mag-asawa.

Sa video ng "Need to Know," sinabing bago sakupin ang mga Kastila ang Pilipinas, mayroon na umanong naitalang uri ng diborsiyo ang iba't ibang katutubo sa bansa.

Mas liberal pa nga raw ang kaugalian noon ng mga Filipino pagdating sa hiwalayan ng mag-asawa.

Pero nang mamuno na sa bansa ang mga Kastila, mas nangibabaw na ang relihiyon at pagpapahalaga sa Katolisismo. Kasabay na nito ang pagbabawal ng diborsiyo.

ADVERTISEMENT

Nang panahon naman ng pananakop ng mga Amerikano noong 1917, dala nila ang absolute divorce bagaman limitado.

Nang masakop naman ng Japan ang Pilipinas noong 1941, tuluyan naman na pinayagan ang diborsiyo.

Muling nawala o ipinagbawal ang diborsiyo nang makalaya ang bansa sa pananakop ng mga dayuhan at ipinasa ang Civil Code.

Gayunman, may exception dito ang mga Muslim sa ilalim ng Presidential Decree 1083, na nagpapahintulot sa kanila ng diborsiyo sa ilalim ng Sharia Courts.

Ngayon may mga panukalang batas na inihain sa Kongreso upang ibalik ang diborsiyo sa bansa. Pabor ka ba rito?

At ano nga ba ang kaibahan sa diborsiyo kumpara sa pinapayagan ngayon sa ating bansa na annulment? Panoorin ang video.


--FRJ, GMA News