Matindi ang ginawang pag-welcome ng "The Boobay and Tekla Show" sa anak ni Roi Vinzon na si Lala, matapos siyang i-prank nang biglang himatayin si Boobay sa gitna ng performance.

Sa episode ng programa nitong nakaraang Linggo, makikitang magkakasama sa stage ang mga host at guest ng show habang kumakanta.

Bukod kay Lala, bisita rin sa naturang episode sina Lexi Gonzales at Angela Alarcon, na anak ng action star na si Jestoni.

Pero habang kumakanta, kunwaring biglang natumba si Boobay at katabi si Lala.

Mabilis namang inalalayan ni Lala ang walang malay na si Boobay, at may tumawag ng medic.

Habang inaasikaso kunwari ng medic si Boobay, makikita ang pagkabalisa at pag-aalala ni Lala sa TV host.

Maya-maya lang, sinabi na ng programa na, "Lala! na-TBATS ka!"

Halos maiyak si Lala sa nadinig at nabitawan pa ang hawak na mic.

"First time kong na-prank sa buong buhay ko," natatawa niyang pahayag at sinabi pang tinawag na niya ang lahat ng santo.

Panoorin ang masayang tagpo sa video ng "TBATS."

--FRJ, GMA News