Sa harap ni Geneva Cruz sa progamang "Mars Pa More," ipinagtapat ni Kuya Kim Atienza na may damdamin siya noon para sa actress-singer.

Ginawa ni Kuya Kim ang pag-amin sa segment na "On The Spot" ng programa.

Dito ay tinanong si Kuya Kim na kompletuhin ang nakasaad na: "Sabi ko na nga ba, dapat inamin kong may feellings ako noon para kay----, naging kami sana."

Guest sa naturang episode si Geneva at katabi niya si Kuya Kim.

"May feelings ako Gene dati," pag-amin ni Kim, na tila naging rebelasyon sa mga co-host niyang sina Camille Prats at Iya Villania.

Pero sabi ni Kuya Kim, hindi naman talaga masasabing pag-amin ang kaniyang ginawa dahil batid naman daw iyon ni Geneva.

Ngunit sumagot si Geneva na, "Hindi, hindi ko alam," sabay akbay niya kay Kim na tinawag niyang friend.

Wala raw naaalala si Geneva na inamin noon ni Kim sa kaniya na may pagtingin ito sa kaniya.

Pero aminado naman ang dalawa na madalas silang magkasama noon.

Sinabi pa ni Geneve, na pinagselosan si Kim ng dalawa niyang ex.

Ayon naman kay Kuya Kim, nabalita pa sila noon 1990s sa tabloid dahil sa isang gulo na hindi na niya idinetalye.

--FRJ, GMA News